Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mayor Lem, nagpaliwanag sa E-ayuda kapalit ng selfie sa binahang bahay

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-24 12:47:18 Mayor Lem, nagpaliwanag sa E-ayuda kapalit ng selfie sa binahang bahay

CALUMPIT, BULACAN — Umani ng matinding batikos mula sa netizens ang inilunsad na “E-Ayuda” program ng lokal na pamahalaan ng Calumpit, Bulacan, matapos hikayatin ang mga residente na mag-post ng selfie kasama ang pamilya sa loob ng kanilang binahang bahay kapalit ng pagkakataong makatanggap ng ayuda sa GCash.

Sa Facebook post ni Mayor Lem Faustino, ipinaliwanag ang layunin ng programa: “Sa diwang ito, nais nating ipakitang mga Calumpiteño na sa pagsasama-sama ng pamilya, babangon tayo nang sama-sama sa kalamidad na kinakaharap ng bayan sa kasalukuyan.” Ayon sa mekaniks, kailangang magkomento ng larawan o video sa post, isama ang pangalan, barangay, at GCash number, at i-share ang post habang tinatag ang mga kaibigan. Ang mga mapipiling entry ay bubunutin sa isang Facebook Live raffle.

Ngunit hindi ito pinalampas ng publiko. Maraming netizens ang tumuligsa sa paandar, tinawag itong “insensitive”, “selective”, at “parang palaro sa gitna ng trahedya.” Isa sa mga komento ay nagsabing: “Calamity is not fun to join or experience and so does your contest.” May ilan ding nagtanong kung paano ang mga walang cellphone, signal, o kakayahang mag-selfie.

Sa panayam sa DZBB, ipinaliwanag ni Mayor Faustino ang intensyon ng programa: “Actually po, yung iayuda namin, matagal na din po namin ginagawa yan… bago po kami mag-iayuda, ay una po namin pinuntahan ang mga evacuation centers… Ito pong iayuda na ito, sa Facebook po namin pinost para lang din po maiwasan yung mga scammers.”

Dagdag pa niya, ang pondo para sa E-Ayuda ay personal na pera at hindi galing sa kaban ng bayan: “Personal pera po, opo. Wala po kami nilabas na pera sa Pamahalaang Bayan ng Calumpit.” Ayon sa alkalde, ₱300 hanggang ₱500 ang ibinibigay sa bawat benepisyaryo, at higit 200 pamilya ang nabigyan noong Hulyo 23 mula 1:00 p.m. hanggang 5:00 p.m.

Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ni Faustino na walang pinipili sa pamamahagi: “Wala po kaming pinili. Basta lang po, yung budget, lahat po nang nag-post ay binigyan po namin.” Nilinaw rin niya na ang paghingi ng larawan ay paraan upang ma-verify ang lehitimong benepisyaryo, lalo na’t 29 barangay sa Calumpit ang lubog pa rin sa baha.

Samantala, idineklara na ang State of Calamity sa bayan noong Hulyo 22, bunsod ng matinding pagbaha dulot ng habagat at sunod-sunod na bagyo. Patuloy ang panawagan ng alkalde sa national government at DPWH para sa mas pangmatagalang solusyon sa baha, kabilang ang retaining wall at pumping station sa ilog ng Calumpit.