GSIS magpapautang ng hanggang ₱40k, no processing fee sa nasalanta ng bagyo
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-25 15:49:25
MANILA — Pinalawak ng Government Service Insurance System (GSIS) ang saklaw ng emergency loan program nito upang matulungan ang mga miyembro at pensionado sa mga lugar na idineklara ng kanilang mga lokal na pamahalaan bilang state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng Bagyong Crising at habagat.
Ayon sa GSIS, simula Hulyo 25, maaaring mag-apply para sa emergency loan ang mga miyembro at pensionado sa mga sumusunod na lugar hanggang Oktubre 24, 2025:
Rizal: Cainta, San Mateo, Montalban (Rodriguez)
Metro Manila: Malabon, Marikina, Las Piñas, Navotas, Valenzuela
Samantala, ang mga residente o nagtatrabaho sa mga sumusunod na lugar ay may deadline ng aplikasyon hanggang Agosto 24, 2025:
Batangas: Agoncillo
Bulacan: Balagtas
Pangasinan: Malasiqui, Dagupan City
Palawan: Roxas
Buong lalawigan ng Bataan at Pampanga
Ang mga bagong lugar na ito ay dagdag sa mga naunang sakop ng programa: Cavite, Quezon City, Umingan (Pangasinan), Calumpit (Bulacan), at Maynila.
Mga Detalye ng Loan:
₱20,000 para sa unang beses na aplikante
₱40,000 kung may existing emergency loan
3 taon ang bayaran
6% interest kada taon
Walang processing fee
Mga Kwalipikadong Aplikante:
Aktibong miyembro na nakatira o nagtatrabaho sa calamity-declared area
Walang pending legal o administrative case
May bayad na hindi bababa sa 6 na monthly premiums
May net take-home pay na hindi bababa sa ₱5,000
Pensionado na may natitirang 25% ng net monthly pension matapos ang loan deduction.
Maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, GWAPS kiosks, o over-the-counter sa mga GSIS branches at piling government offices.
Ayon kay GSIS Officer-in-Charge Juliet Bautista, “This expanded coverage is part of our continuing commitment to provide immediate relief to our members and pensioners affected by Tropical Storm Crising, Habagat, and related calamities.” Dagdag pa niya, “As more LGUs submit their official declarations, we are prepared to extend assistance to ensure that no member is left behind in times of need.”
Patuloy ang monitoring ng GSIS sa mga deklarasyon ng LGUs upang maibigay ang agarang tulong pinansyal sa mga apektadong miyembro at pensionado.
