Mike Defensor: Tutol sa Pag-Ban ng Mga Online Gambling
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-07-25 13:23:36
Umani ng pansin ang pahayag ni dating congressman at online gaming advocate Mike Defensor kaugnay ng panukalang total ban sa online gambling sa bansa. Ayon kay Defensor, ang ganitong uri ng hakbang ay maaaring magbunga ng mas malaking problema—ang paglakas ng ilegal na operasyon.
Sa panayam noong Hulyo 25, 2025 sa programang “Gud Morning Kapatid,” sinabi ni Defensor:
“Kapag binan mo totally ang [online gambling], lahat pupunta na lang sa ilegal.”
Ayon sa kanya, ang pagtutok ng gobyerno ay hindi dapat sa total prohibition, kundi sa mas mahigpit na regulasyon, transparency, at pagprotekta sa mga manggagawa sa industriya.
“Mas makakabuti kung i-regulate mo nang maayos, imbes na tuluyang ipagbawal,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ay lumabas kasabay ng umiinit na diskurso hinggil sa legalidad ng online gambling, kasunod ng crackdown ng mga awtoridad sa ilang iligal na online platforms, at mga influencer na diumano’y sangkot sa promosyon ng mga ito.
Ang mga panukalang batas na naglalayong tuluyang ipagbawal ang online gambling ay nakabinbin pa rin sa Kongreso, habang ang ilang grupo ay nananawagan para sa mas balanseng solusyon sa halip na outright ban.
Si Mike Defensor ay kilalang tagasuporta ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) noong kanyang panahon sa Kongreso at nananatiling aktibo sa mga talakayan ukol sa gaming policy.
(Image Mike Defensor official Facebook page)
