Puno ng kapitbahay bumagsak sa bahay dahil sa bagyo: Sino na ba ang dapat managot?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-07-25 12:03:43
Isang residente ang humingi ng legal na payo matapos bumagsak ang puno ng kanilang kapitbahay sa kanilang bahay dahil sa malakas na hangin dulot ng bagyo. Ang tanong: Maaari bang managot ang may-ari ng puno?
Ayon sa mga abogado, depende ang sagot sa sitwasyon.
Kung ang puno ay bulok, delikado, o matagal nang pinabayaan, maaaring mapanagot ang kapitbahay dahil sa kapabayaan, kahit pa may bagyo. Ibig sabihin, kung may ebidensiyang matagal nang sira o nakabanta ang puno, responsibilidad ng may-ari nito na aksyunan ito bago pa man magdulot ng pinsala.
Ngunit kung ang puno ay nasa maayos na kalagayan at walang senyales ng panganib, at ang pagbagsak ay dahil lang talaga sa kalamidad, hindi ito maituturing na kapabayaan. Kaya't sa ganitong kaso, hindi maaaring panagutin ang may-ari ng puno.
Ano ang maaaring gawin?
—Mag-document ng kondisyon ng puno bago at pagkatapos ng insidente—kuha ng larawan, video, o anumang ebidensya.
—Kung mapanganib ang puno, ipagbigay-alam agad sa barangay o sa DENR para masuri ito at maagapan ang posibleng disgrasya.
—Para sa mga nasirang ari-arian, maaaring maghain ng reklamo sa barangay para sa pag-uusap o settlement, at kung hindi magkasundo, maaaring dalhin sa korte.
Paalala:
Mas mainam ang maagap na pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang maiwasan ang sakuna at alitan sa komunidad. Sa panahon ng kalamidad, ang pagiging responsable at maagap ay mahalaga sa pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat isa.
Source: Atty. Tony Roman Free Legal Advice On Facebook
