Lalaki, arestado sa Taguig dahil sa ilegal na pagbebenta ng text blast machines mula sa Pogo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-01 11:38:28
HULYO 31, 2025 — Isang lalaki ang inaresto sa Taguig City matapos magbenta ng mga text blast machine na nakuha niya mula sa isang dating Philippine offshore gaming operator (Pogo), ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG).
Nahuli ang suspek sa isang entrapment operation sa Bicutan noong Hulyo 20 matapos mag-anunsyo ng bentahan ng mga makina sa social media, ayon kay PNP ACG Director Brig. Gen. Bernard Yang sa press briefing sa Camp Crame nitong Huwebes.
“The source of this text blaster machine is from former Pogo companies,” pahayag ni Yang. “Upon certification from the NTC (National Telecommunications Commission), he has no authority to possess and sell these.”
(Galing sa mga dating Pogo company ang mga text blaster machines na ito. Ayon sa NTC, wala siyang permiso para magmay-ari o magbenta ng mga ito.)
Ginagamit umano ang mga makina sa iba’t ibang scam kung saan nagpapadala ng text message na may malisyosong link para lokohin ang mga tao at kunin ang kanilang personal at bank details.
Nakumpiska sa suspek ang 11 text blast machine na ibinebenta sa halagang P25,000 hanggang P30,000 bawat isa. Kinilala ang suspek bilang “Kian,” 36 anyos.
Kasalukuyan itong nakakulong sa Taguig City Police Station at haharap sa kaso laban sa RA 3846 (Radio Control Law) at RA 10175 (Cybercrime Prevention Act).
Umabot na sa 17 ang mga nahuli ng PNP-ACG sa nakalipas na anim na buwan dahil sa ilegal na pagbebenta ng text blast machines at signal jammers online, ayon sa pulisya nitong Huwebes.
(Larawan: Philippine News Agency)
