LTO San Pedro, halos 3 araw walang kuryente — operasyon naantala, maraming Naabala
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-07-31 13:00:04
San Pedro, Laguna — Hulyo 31, 2025 Naantala ng halos tatlong araw ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) San Pedro matapos mawalan ng suplay ng kuryente, na naging sanhi ng abala sa daan-daang tao na nagtangkang mag-avail ng serbisyo.
Ayon sa mga ulat, simula pa noong Lunes ay nawalan ng kuryente sa LTO San Pedro, dahilan upang tuluyang huminto ang kanilang mga serbisyo gaya ng rehistro ng sasakyan, pagkuha ng lisensya, at iba pa. Marami ang nabigong maisagawa ang kanilang mga transaksyon at paulit-ulit na bumalik sa pag-asang muli itong magbubukas.
"Tatlong araw na akong pabalik-balik dito," ayon kay Kuya Nani, isang drayber ng tricycle na nais ipa-rehistro ang kanyang sasakyan para sa hanapbuhay.
"Malaking abala ito. Mahirap bumiyahe nang hindi rehistrado, baka mahuli ako. Sayang ang tatlong araw na walang pasada, wala akong kita," dagdag pa niya.
Kahapon, Miyerkules, Hulyo 30, nagtungo ang mga electrician ng Meralco upang ayusin ang problema, ngunit ilang ulit na pumuputok ang fuse sa main breaker, dahilan kung bakit hindi agad naibalik ang suplay ng kuryente. Bandang alas-4:00 ng hapon, tuluyang naibalik ang kuryente at muling nagsimula ang operasyon ng LTO.
Ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 31, ay tuloy-tuloy na ang LTO San Pedro, ngunit mas mabagal ang galaw kumpara sa normal na operasyon dahil sa pagdagsa ng tao na naipon matapos ang halos tatlong araw na pagkaantala.
"Kanina pa ako dito. Akala ko mabilis lang dito kaya dito ako nagpa-rehistro," pahayag ng isang aplikanteng naabutan ng mahabang pila.
"Wala akong idea na tatlong araw palang walang kuryente." Dagdag pa niya.
Paalala sa Publiko:
Sa mga pupunta sa LTO San Pedro, asahan na ang mahabang pila at mabagal na proseso. Huwag kalimutang magbaon ng tubig, pagkain, at higit sa lahat, mahabang pasensya at pang-unawa.
(Source: Me, Personally Register my Motorcycle and interviewed some individuals)
(Larawan: Robel Almoguerra)
