Diskurso PH
Translate the website into your language:

Utang ng Pilipinas umabot ₱17.27 trilyon, bawat Pinoy may utang ₱153k

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-01 09:53:32 Utang ng Pilipinas umabot ₱17.27 trilyon, bawat Pinoy may utang ₱153k

MANILA — Sa kabila ng pagbuti ng sitwasyon sa kalusugan at ekonomiya ng bansa, pinuna ng isang ekonomista ang patuloy na paggastos ng gobyerno na animo’y nasa gitna pa rin ng pandemya. 

Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, lumobo na sa ₱17.27 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas, dahilan upang kuwestyunin ang kasalukuyang fiscal strategy ng pamahalaan.

Kung susumahin, halos nasa P153,000 ang utang ng bawat Pilipino kahit pa ang sanggol na kapapanganak pa lamang. 

Sa panayam ng 24 Oras, sinabi ng ekonomistang si JC Punongbayan, “Gumagastos pa rin ang gobyerno na parang may pandemya pa. Hindi na akma sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ang laki ng ginagastos.”

Binanggit niya na dapat ay mas tutok na ang pamahalaan sa targeted investments at hindi sa malawakang paggastos na walang malinaw na epekto sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mamamayan.

Ayon sa datos ng Department of Finance (DOF), malaking bahagi ng utang ay nagmula sa pandemic-era loans, kabilang ang budgetary support financing mula sa World Bank, Asian Development Bank, at iba pang multilateral institutions. 

Bagama’t normal ang pag-utang sa panahon ng krisis, iginiit ni Punongbayan na “ang mahalaga ay kung paano ginagastos ang inutang. Hindi sapat na umutang lang—dapat masinop at epektibo ang paggamit.”

Dagdag pa niya, “Ang problema, kahit tapos na ang emergency phase ng pandemya, hindi pa rin nag-a-adjust ang gobyerno. Parang stuck pa rin sa 2020 mindset.”

Sa kabila ng paglago ng GDP, hindi pa rin ramdam ng maraming Pilipino ang epekto nito. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nananatili sa double-digit ang poverty incidence, habang ang inflation ay patuloy na bumabagal ngunit mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Samantala, sinabi ng DOF na ang utang ay may long-term maturity at manageable interest rates. “Most of our debt is long-term and domestically sourced. We are confident in our ability to manage it,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Gayunpaman, nanawagan ang mga eksperto ng mas maingat na paggastos, lalo na’t papalapit na ang budget deliberations para sa 2026. “Hindi na sapat ang ‘spend now, worry later’ mentality. Kailangan ng fiscal discipline,” giit ni Punongbayan.