Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Highest-ever' dapat! Bam, tinutulak ang pinakamalaking budget sa edukasyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-04 17:20:58 'Highest-ever' dapat! Bam, tinutulak ang pinakamalaking budget sa edukasyon

AGOSTO 4, 2025 — Nanawagan si Senator Bam Aquino sa gobyerno na gawing pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa ang budget para sa edukasyon, matapos bigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan nito sa kanyang SONA.


"Makikita natin ‘yan sa budget. Nung isang araw, nanawagan na nga tayo na itaas ang budget ng edukasyon," giit ni Aquino, chair ng Senate Committee on Basic Education. “Gawin natin itong highest ever sa ating kasaysayan para matugunan ang mga iba’t ibang problema.”


Binanggit niya ang learning poverty, mataas na dropout rates, at kakulangan sa reading at math skills ng mga estudyante.


Ayon sa Saligang Batas, dapat unahin ng estado ang edukasyon sa budget. Sinuportahan ito ni Senator Sherwin Gatchalian, chair ng Senate finance committee, na nagsabing "education budget" ang focus sa 2026. 


"Pipilitin naming lumampas ng 4% of our GDP ang education," dagdag niya. “Right now, nasa mga 3.8, 3.9 [percent] tayo at may mga times in the past na umabot na tayo ng 4%, pero bumababa.”


Malinaw kay Aquino na nananatili siyang independent sa pulitika, kahit sumama siya sa majority bloc para makuha ang edukasyon committee. 


"Hindi tayo sumama sa administrasyon o sa oposisyon. We remain independent," paliwanag niya. “Pero sa Senate, ‘yung dynamics po diyan, iba talaga. Kaya parehas pa rin ang ating national political alignment, pero sa Senate nag-mayorya tayo para sa education committee.”


Kasama niya sa majority si Sen. Kiko Pangilinan, na hawak naman ang agriculture committee, habang si Sen. Risa Hontiveros ay nanatili sa minority.


Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kulang sa silid-aralan, guro, at learning materials ang maraming paaralan. Kung mapapataas ang budget, posibleng masolusyunan ang mga ito — pero dapat, ayon kay Aquino, bantayang maigi ang implementasyon.


(Larawan: Philippine News Agency)