'Hindi palamunin': De Lima iginiit na 4Ps ay shared responsibility, hindi dole-out
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-04 17:20:55
MANILA — Mariing tinutulan ni Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang panukala ni Senador Erwin Tulfo na buwagin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at palitan ito ng programang pangkabuhayan. Ayon kay De Lima, ang 4Ps ay hindi limos kundi isang programang nakabatay sa “shared responsibility” sa pagitan ng pamahalaan at ng mga pamilyang Pilipino na nagsusumikap makaahon sa kahirapan.
“Hindi palamunin ang mga benepisyaryo ng 4Ps. Hindi limos ang programang ito. May mga kondisyon ang programang ito para maipagkaloob sa mga benepisyaryo ang suporta ng gobyerno. Batay ito sa prinsipyo ng shared responsibility – sa pagitan ng pamahalaan at ng bawat pamilyang Pilipino na may hangaring makaahon sa kahirapan,” pahayag ni De Lima.
Ang 4Ps, na isinabatas sa ilalim ng Republic Act No. 11310 noong 2019, ay nagbibigay ng conditional cash grants sa mga mahihirap na pamilya kapalit ng pagsunod sa mga kondisyon gaya ng pagpapanatili ng edukasyon ng mga anak, pagdalo sa family development sessions, at regular na pagpapatingin sa kalusugan.
Bilang tugon sa mungkahi ni Tulfo, iginiit ni De Lima na ang mga problema sa implementasyon ay hindi dahilan upang buwagin ang programa. “Yes, there are gaps in implementation. Yes, some abuses have been reported. But that’s precisely why we must strengthen, not scrap, the program. The answer is better targeting, better monitoring, and better support systems, not abandoning millions of families who have long relied on this program to survive, recover, and rebuild,” aniya.
Binanggit din ni De Lima na higit sa 1.5 milyong pamilya ang “graduated from poverty” sa ilalim ng 4Ps framework, batay sa State of the Nation Address ng Pangulo. “That is not a failure. That is progress that must be sustained,” dagdag niya.
Upang mapalawak pa ang benepisyo ng programa, isinusulong ni De Lima ang House Bill No. 1434 o ang Expanded 4Ps Act. Layunin ng panukala na isama sa programa ang adult education, livelihood training, employment facilitation, at entrepreneurship development.
“Ito ang hinaharap na gusto nating ihatid: kung saan ang tulong ng gobyerno ay hindi nakakababa ng dignidad, kundi nagbibigay-lakas. Hindi perpekto ang 4Ps. Pero huwag nating sirain ang isang programang may mabuting layunin at malinaw na tagumpay, lalo na’t may mga kongkretong hakbang para mas mapabuti ito,” ani De Lima.
Sa kabila ng mga puna, nanindigan si De Lima na ang 4Ps ay nananatiling mahalagang sandigan ng mga mahihirap na pamilya sa kanilang pag-ahon. “Milyon na ang naitawid. Milyon pa ang umaasa. Hindi natin sila pababayaan,” pagtatapos niya.
