Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dagdag 5k buwan-buwan! Romualdez, itinutulak ang hazard pay para sa mga piskal na itinataya ang buhay

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-04 18:41:31 Dagdag 5k buwan-buwan! Romualdez, itinutulak ang hazard pay para sa mga piskal na itinataya ang buhay

AGOSTO 4, 2025 — Muling isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez ang panukalang magkaloob ng hazard pay sa mga piskal na humaharap sa mapanganib na mga kaso. Layon ng House Bill (HB) No. 2664 na bigyan sila ng P5,000 buwan-buwan bilang dagdag na suweldo dahil sa mga banta sa kanilang kaligtasan.


Kasama sa mga high-risk assignment ang paghawak ng mga kasong may kinalaman sa droga, terorismo, graft at korapsyon, money laundering, at iba pang malulubhang krimen. Binanggit ni Romualdez, na abogado at pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), ang panganib na kinakaharap ng mga prosecutor, kung saan hindi bababa sa 13 ang napatay na sa nakaraang dekada habang nagtatrabaho.


“In the performance of their functions, they are assigned to investigate and prosecute cases involving national security, dangerous drugs, terrorism and notorious criminals,” giit ng mga may-akda ng panukala. “As a consequence of their duties and exposure to hazardous situations, many prosecutors have received death threats and a number of them have been killed in the line of duty.”


(Sa pagganap ng kanilang tungkulin, sila ang itinatalaga para imbestigahan at litisin ang mga kasong may kinalaman sa national security, ilegal na droga, terorismo, at kilalang mga kriminal. Bunga ng kanilang mga gawain at exposure sa mapapanganib na sitwasyon, maraming prosecutor ang tumatanggap ng death threats at ilan sa kanila ay pinaslang habang nasa serbisyo.) 


Saklaw ng panukala ang mga prosecutor sa ilalim ng National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ), lalo na yung nakatalaga sa mga lugar o kasong may mataas na panganib. Kasama rin dito ang mga naka-destino sa conflict zones, disaster-prone areas, at malalayong lugar.


Ang hazard pay ay hindi babawasan ng buwis at hindi makaka-apekto sa kasalukuyang benepisyo ng mga prosecutor. 


Pagkatapos maipasa ang batas, inaatasan ang DOJ at Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng implementing rules sa loob ng 60 araw.


Ang pondo para sa unang taon ng implementasyon ay kukunin sa kasalukuyang budget ng DOJ, samantalang ang susunod na taon ay isasama na sa General Appropriations Act (GAA).



Kasama ni Romualdez na mga may-akda ng bill sina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude Acidre.


Noong nakaraang Kongreso, naipasa na sa third reading ang katulad na panukala, ngunit hindi ito naging batas.


(Larawan: Radyo Pilipinas)