Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lalaki, arestado sa Gumaca Quezon matapos magpaputok ng baril na hindi lisensiyado

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-04 16:47:33 Lalaki, arestado sa Gumaca Quezon matapos magpaputok ng baril na hindi lisensiyado

GUMACA, QUEZON — Isang lalaki ang agad na inaresto ng mga tauhan ng Gumaca Municipal Police Station (MPS) matapos umanong magpaputok ng baril sa pampublikong lugar, umaga ng Agosto 2, 2025. Dahil sa mabilis na pagresponde ng kapulisan, nasamsam din mula sa suspek ang isang Caliber .45 Caspian pistol na umano’y hindi lisensiyado.

Ayon sa ulat ng Gumaca MPS, dakong 10:26 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na nagpapaputok ng baril sa hangin sa Brgy. Camohaguin. Kaagad nagpadala ng team ang kapulisan upang kumpirmahin ang ulat. Sa loob lamang ng ilang minuto, naaresto nila ang suspek sa aktong pagtatangkang tumakas mula sa lugar matapos makarinig umano ng mga sasakyang pulis.

Nasamsam mula sa kanya ang isang Cal. 45 Caspian pistol na may limang (5) bala sa magazine. Nang hingan ng dokumento para sa firearm, nabigong makapagpakita ang suspek ng License to Own and Possess Firearm (LTOPF), Firearm Registration Certificate, maging ng permit to carry.

Sa beripikasyon sa Firearms and Explosives Office (FEO), napag-alamang hindi nakarehistro ang baril at itinuturing na loose firearm sa ilalim ng batas.

Dahil dito, ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11926 (Unlawful Discharge of Firearm) dahil sa iligal na pagpapaputok, at Section 28 ng Republic Act No. 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition). Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Gumaca MPS habang inihahanda ang mga dokumentong kinakailangan para sa inquest proceedings sa piskalya.

Makikita sa fb post ni P.Major Arjon M. Oxina na seryoso ang kanilang kampanya laban sa mga iligal na armas dahil ang mga ito ay pangunahing pinagmumulan ng krimen at karahasan sa mga komunidad.

Ang mabilis na pagkaka-aresto sa suspek ay patunay sa kahandaan at dedikasyon ng mga pulis sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan ng Gumaca. Makikitang patuloy ang pagpapaigting ng operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan ng Gumaca.

Samantala, nanawagan ang pulisya sa publiko na huwag matakot magsumbong sa mga kinauukulan kung may napapansin silang kahina-hinalang aktibidad o indibidwal na nag-iingat ng armas.

Tandaan nating, ang pakikiisa ng mamamayan ang susi upang mapanatili nating ligtas at matahimik ang ating komunidad.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng Gumaca MPS upang matukoy kung may iba pang kasong kinasasangkutan ang suspek o kung kabilang siya sa anumang sindikato ng ilegal na armas sa rehiyon.


(Source at Larawan: PMaj Arjon M Oxina Fb Post)