Pag-unlad nga ba? Mga residente ng Greenhills East, tutol sa itatayong high-rise condo sa tabi ng paaralan
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-04 12:04:54
AGOSTO 4, 2025 — Tutol sa planong condominium project ng Shang Properties Inc. (SPI) sa tabi ng La Salle Green Hills ang mga residente ng Greenhills East Village sa Mandaluyong, na anila ay lalabag sa zoning laws at pangako ng lungsod para sa maayos na urban development.
Ayon sa petisyon ng Greenhills East Village Association (GEVA), hindi papayagan ang anumang konstruksiyon na lalampas sa height limit na 18 hanggang 30 metro, batay sa City Ordinance No. 664 s. 2017. Iginiit din nila na hindi na kakayanin ng lugar ang dagdag na trapiko, polusyon, at populasyon, lalo't apat na mall at eskwelahan na ang nakapaligid sa area.
Binanggit ng mga residente ang Green Building Ordinance at Comprehensive Land Use Plan ng Mandaluyong, na ipinasa sa ilalim ni Mayor Carmelita "Menchie" Abalos, na nagsusulong ng sustainable at child-friendly communities.
“Is a nine-year construction site beside a school ‘child-friendly’?” tanong ng isang magulang.
(Paano naging child-friendly ang siyam na taong konstruksiyon sa tabi ng eskwelahan?)
Sa resolusyon ng GEVA, sinabing tututulan nila ang anumang proyektong magdudulot ng "extraordinary population density," gaya ng binanggit sa kanilang dokumento.
“We’re drowning in diesel, delivery trucks, and double-parking. What part of ‘overcapacity’ is hard to get?” dagdag pa ng isang residente.
(Lubog na kami sa usok ng diesel, delivery trucks, at doble-dobleng paradahan. Alin ba sa '‘overcapacity’' ang mahirap maintindihan?)
Sa iyong palagay, makatwiran bang gawing dahilang ang "progress" para isantabi ang kaayusan?
Kung susundin ang logic ng mga developer, lahat ng bakanteng lote sa Metro Manila ay pwedeng patayuan ng condominium — kahit na wala nang maayos na infrastructure para suportahan ito.
Pero hanggang kailan tatanggapin ng publiko ang ganitong kalakaran?
May punto ang mga residente: bakit pinapayagan ang mga proyektong alam namang magdudulot ng chaos? Pero tila mayroon talagang nakakalusot sa mga ganitong development.
(Larawan: Wikipedia)
