Payag ka ba? 4Ps gustong alisin ni Erwin Tulfo
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-04 09:13:47
MANILA — Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa pamahalaan na tuluyang i-scrap ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa halip ay magbigay ng kapital para sa kabuhayan ng mga benepisyaryo. Ayon sa senador, layunin ng panukala na tugunan ang mga ulat ng pang-aabuso sa programa at bigyan ng mas pangmatagalang solusyon ang kahirapan sa bansa.
“It is hard for them to hear that they are being called freeloaders, lazy, and that they do not add value to the country,” ani Tulfo, na dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2022. Dagdag pa niya, mismong ilang benepisyaryo ng 4Ps ang nagsabi sa kanya na mas nais nilang magkaroon ng puhunan kaysa sa buwanang ayuda.
“If we give them capital, they can use it to start businesses and contribute to the economy. We can provide them enough funds to start a sari-sari store, an eatery, or even engage in online selling,” paliwanag ng senador, na kasalukuyang namumuno sa Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development.
Binanggit din ni Tulfo ang perceived unfairness ng sistema, kung saan ang mga mababang-sahod na manggagawa gaya ng mga gwardiya, janitor, at kasambahay ay hindi kwalipikado sa 4Ps kahit kapos din sa panggastos. “It is also unfair to low-wage earners like security guards, janitors, or house helpers who tighten their belts due to lack of funds but receive nothing from the government, such as 4Ps, since they are not qualified,” aniya.
Plano ni Tulfo na ilahad ang mungkahing ito sa kanyang nalalapit na pagpupulong kasama sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian. “We know that since PBBM’s term started, the priority has been poverty mitigation. But the question is: how do we really do this?” tanong ng senador.
Kaugnay nito, binanggit din ni Tulfo ang posibilidad ng pag-amyenda sa Republic Act No. 11310, ang batas na nag-institusyonalisa sa 4Ps. Isa sa mga mungkahi ng DSWD ay ang pag-alis ng pitong taong limitasyon sa pagtanggap ng ayuda ng mga benepisyaryo.
Bukod sa pagbibigay ng kapital, kabilang sa mga alternatibong hakbang na tinitingnan ng pamahalaan ay ang paglikha ng entrepreneurship program para sa mga low-income households, social interventions para sa mga senior citizens, at ang institutionalization ng mga umiiral na programa ng DSWD gaya ng Sustainable Livelihood Program at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services.
Sa gitna ng mga panukalang ito, nananatiling sentro ng diskusyon ang tanong: paano nga ba epektibong mababawasan ang kahirapan sa Pilipinas?
