Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBI binuwag ang buong Special Task Force matapos kontrobersyal na raid sa bulacan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-06 09:43:37 NBI binuwag ang buong Special Task Force matapos kontrobersyal na raid sa bulacan

MAYNILA — Tuluyan nang binuwag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang buong Special Task Force (STF) ng ahensya matapos masangkot ang grupo sa isang kontrobersyal na operasyon sa Malolos, Bulacan. Ayon sa direktiba, tinanggal sa puwesto ang 13 operatiba ng unit pati na ang kanilang hepe dahil sa isyu ng command responsibility.

Ang hakbang ay isinagawa matapos ang umano’y kwestionableng raid laban sa siyam na Chinese nationals sa isang resort sa Ligas, Malolos, na iniuugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Napag-alaman na maling address ang nakasaad sa search warrant — Sta. Rita, Bulacan — dahilan upang maibasura ang reklamo sa piskalya dahil sa usapin ng hurisdiksyon.

Bukod pa rito, iniulat na may ilang tauhan ng STF ang tumangay ng personal na gamit ng mga dayuhan, kabilang ang mga relo. “Inatasan ko silang isauli ang mga personal na gamit ng mga Chinese nationals,” pahayag ni Santiago. Dagdag pa niya, “Pinaiimbestigahan ko ang buong STF sa Internal Affairs Division ng NBI.”

Ang mga operatiba ng STF ay inilipat sa iba’t ibang unit ng NBI, habang ang iba ay itinalaga sa mga rehiyon. Sa darating na Huwebes, Agosto 7, nakatakdang makipagpulong si Santiago kay Atty. Hanz Darryl Tiu, abogado ng mga Chinese nationals, upang maisapormal ang mga reklamo laban sa mga ahente ng STF.

Samantala, nananatili sa detention facility ng NBI ang siyam na Chinese nationals dahil sa hiwalay na kaso sa Bureau of Immigration. Sa kabila ng kontrobersya, pinuri ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin ang desisyon ni Santiago bilang isang “bold move but in the right direction.” Aniya, “It’s a courageous step towards reconciliation from within and outside the Bureau”.