Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pag-uwi sana sa pamilya nauwi sa trahedya: OFW mula Kuwait namatay sa loob ng bus habang nasa byahe pauwi

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-06 09:43:34 Pag-uwi sana sa pamilya nauwi sa trahedya: OFW mula Kuwait namatay sa loob ng bus habang nasa byahe pauwi

NEGROS ORIENTAL — Isang overseas Filipino worker (OFW) na bagong dating mula sa abroad ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng pampasaherong bus habang pauwi sa kanyang bayan sa Manjuyod, Negros Oriental. Kinilala ang biktima bilang si Wilma Auza, 41 taong gulang, na galing sa Japan matapos gumamit ng connecting flight mula Kuwait.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Sibulan, si Auza ay natagpuang hindi na tumutugon habang nakaupo sa Ceres Bus na bumibiyahe mula Cebu South Bus Terminal patungong Dumaguete City noong Lunes, Agosto 4. Isang pasahero, si Fretz Deposoy, ang nagsabing, “When we arrived in Bato, she was already slumped in her seat and everyone thought she had fallen asleep. Before we arrived in Sibulan, the conductor checked and found that she was unresponsive. I checked her pulse when we parked the bus near the church and her body was already cold.”

Nauna nang napansin ng konduktor na nagsusuka si Auza habang nasa biyahe, ngunit inakala ng mga pasahero na ito ay dulot lamang ng pagod o hilo sa biyahe. Nang dumating ang bus sa Sibulan, agad na rumesponde ang mga pulis at isinailalim sa pagsusuri ang katawan ni Auza. Ayon kay Dr. Dave Luke Montenegro, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay Acute Ischemic Attack, isang uri ng heart attack.

Natagpuan sa kanyang mga gamit ang ₱17,000 na cash, isang pasaporte, at Kuwait Civil ID na may bisa hanggang Disyembre 2024. Bagaman galing siya sa Japan, kinumpirma ng kanyang pamilya na siya ay nagmula sa Kuwait at gumamit ng connecting flight patungong Nagoya bago lumipad pa-Maynila at Cebu.

Sa isang pampublikong post, kinumpirma ng kanyang hipag na si Miles Auza ang insidente: “Condolence to the immediate family of my sister-in-law Wilma Auza who passed away this morning due to cardiac arrest while on board a Ceres Bus going home [to] Dumaguete City.”

Ang labi ni Auza ay kasalukuyang nasa isang funeral home sa Poblacion, Sibulan. Patuloy ang pagdadalamhati ng kanyang pamilya sa Barangay San Isidoro, Manjuyod, kung saan sana siya muling makakasama matapos ang mahabang panahon ng pagtatrabaho sa ibang bansa.

Nagpaabot ng pakikiramay ang mga netizen at nanawagan ng mas maayos na medical screening para sa mga OFW na dumaraan sa matagal at nakakapagod na biyahe pauwi sa kanilang mga pamilya.

Image from Dubai OFW