Paglobo ng nangongotong na ‘parking attendants’ sa Kamaynilaan, inirereklamo na!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-06 17:22:05
AGOSTO 6, 2025 — Maraming motorista at negosyante sa Metro Manila ang ngayo’y nagrereklamo dahil sa patuloy na pagdami ng mga ilegal na parking attendant na tila nangongotong. Sa mga lugar gaya ng Tomas Morato at Timog Avenue sa Quezon City, umano’y sapilitan ang paniningil ng P50 hanggang P150 — kahit sa pampublikong kalsada.
Ayon sa isang restaurant manager sa Scout Madrinan, nagsimula ang isang partikular na problema noong Setyembre 2024.
“Madalas kasi, sapilitan nilang sinisingil yung mga customer namin pag nagpaparking. Kahit dito sa parking slot namin, and then even dito sa may kalsada. Especially kapag umuulan,” paliwanag niya.
Matapos ireklamo sa barangay, limang indibidwal ang pinagbawalan, ngunit umabot pa sa pananakot.
“Huhuntingin daw ako,” dagdag niya.
Naitala rin ang isang insidente noong Hunyo kung saan sinaktan ang isang security guard nang tangkain niyang pigilan ang isang ilegal na parking attendant.
“Nung sinita nung parking guard namin is bigla na lang siya sinuntok,” ayon sa manager.
Isang musikero na nagpark sa Timog Avenue ang nagbahagi din ng kanyang karanasan: “Pag baba mo ng kotse, sisingilin ka agad ng P50 … there’s always a feeling, alam mo yun, na pag di mo sila binayaran, baka may masamang mangyari sa kotse mo, or sa iyo, or kung ano man pwedeng gawing masama sa property mo.”
Sa kabila nito, isang nagngangalang “Boy” ang umamin na dalawang taon na siyang kumikita bilang ilegal na parking attendant.
“Sa isang araw po, nakaka P1300 po kami … sa gabi lang po kami nagpaparking kasi sa umaga wala masyado tao, kaya 6-10 p.m. kami,” aniya.
Dahil maliit ang kita sa trabaho sa konstruksyon, wala raw silang choice kundi mangikil.
“Wala naman po kami ginagawang masama, di naman po kami nagnanakaw … serbisyo lang po para bantayan namin yung sasakyan,” pagtatanggol niya.
Kinumpirma ni Ervin Espedilla, executive officer ng Barangay South Triangle, na marami na silang natanggap na reklamo.
“Sa loob ng isang buwan, may mga lima o sampung reklamo regarding doon sa paniningil ng overpricing P50 at P100,” ani Espedilla.
Ayon kay Dexter Cardenas ng Quezon City Traffic Department, maaaring kasuhan ng extortion ang mga ilegal na nangongolekta.
“Sa ngayon po, sa buong lungsod Quezon, wala po tayong ino-authorize na parking attendant para maningil sa ating mga kalsada,” paalala niya. “Wag po tayo mag-transact everytime na magpapark po tayo sa ating mga lansangan. Ireport niyo lang po sa aming mga opisina.”
Balak ng lungsod na i-legalize ang mga parking attendant para mabigyan ng proteksyon ang mga motorista.
Sa Maynila, standard ang P50 para sa unang walong oras ng parking, pero may mga nahuling nagpapanggap bilang enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB). Noong Agosto 1, arestado ang isang lalaki sa Tondo sa paggaya sa uniporme ng MTPB.
Nagbabala rin si Mayor Isko Moreno na “One Strike Policy” ang extortion at terminado agad kapag napatunayan.
Samantala, sa Makati, nagpapadala na ng mga lehitimong parking aide para kontrolin ang kalakaran.
(Larawan: Yelp)
