Grade 10 student kritikal matapos barilin ng dating nobyo sa loob ng paaralan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-07 16:27:02
CABANATUAN CITY — Isang Grade 10 na estudyanteng babae mula sa Santa Rosa Integrated School sa Nueva Ecija ang kritikal matapos barilin ng kanyang dating kasintahan sa loob mismo ng paaralan bandang alas 11 ng umaga ngayong Huwebes, Agosto 7. Matapos ang pamamaril, agad ding binaril ng binatilyong suspek ang kanyang sarili.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, ilang minuto bago ang insidente ay nag-post ang binatilyo sa kanyang Facebook account ng mensaheng nagpapahiwatig ng matinding emosyonal na dinaranas. Base sa salaysay ng mga kaeskwela, magkasintahan umano ang dalawa ngunit nais nang makipaghiwalay ng biktima — bagay na hindi matanggap ng suspek.
Habang kinakausap sila ng isang guro sa loob ng silid-aralan, bigla umanong siniko ng binatilyo ang guro, kinuha ang baril mula sa kanyang bag, at binaril ang dalagita. Pagkatapos nito, agad niyang itinutok ang baril sa sarili at nagpaputok.
Agad na rumesponde ang mga pulis at rescue personnel, at parehong isinugod ang biktima at ang suspek sa isang ospital sa Cabanatuan City. Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang kanilang mga pangalan dahil sa pagiging menor de edad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung paano naipasok ng suspek ang baril sa loob ng paaralan, at kung may iba pang sangkot sa insidente. Nagpaabot naman ng pakikiramay at suporta ang pamunuan ng Santa Rosa Integrated School sa pamilya ng biktima, at tiniyak ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga otoridad.
Ang insidente ay muling nagbukas ng diskusyon ukol sa seguridad sa mga paaralan, access sa armas, at mental health ng kabataan sa bansa. Patuloy na binabantayan ng publiko ang kalagayan ng biktima at ang suspek habang inaasahang maglalabas ng karagdagang detalye ang mga awtoridad sa mga susunod na araw.
Larawan mula kina Eco Encarnacion and John Wilson Atayde
