Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ramon Ang, nag-volunteer para maresolba ang problema sa baha sa Metro Manila

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-08 19:36:22 Ramon Ang, nag-volunteer para maresolba ang problema sa baha sa Metro Manila

AGOSTO 8, 2025 — Nag-alok si San Miguel Corporation (SMC) president at CEO Ramon Ang na tulungan ang buong Metro Manila sa paglutas ng problema sa pagbaha—nang walang gastos mula sa pamahalaan o sa sambayanang Pilipino.

Ginawa ni Ang ang pahayag bago ang isang press conference kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Don Artes at ilang alkalde ng Metro Manila noong Biyernes, Agosto 8, sa punong tanggapan ng SMC sa Pasig City. Dumalo rin sina Manila Mayor Isko Moreno, Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, Las Piñas Mayor Imelda Aguilar, at Las Piñas Rep. Mark Santos.

“I, Ramon Ang of San Miguel, am volunteering to be the first to help the whole of Metro Manila address flooding, at no cost to the people and no cost to the government,” pahayag ni Ang.

Iminungkahi ng negosyante ang malawakang paglilinis ng mga daluyan ng tubig at pagtanggal ng mga estruktura at bahay na nakatayo sa gilid ng mga ilog na humaharang sa agos ng tubig. Dagdag pa niya, dapat tiyakin na ang mga apektadong residente ay mabibigyan ng maayos na relocation sites upang hindi maramdaman na basta lamang sila pinaaalis.

Sinang-ayunan ng MMDA at mga alkalde ang alok ni Ang. Pinuri ni Artes ang pangako ng SMC na magtayo ng kapalit na imprastraktura para sa mga matatanggal na gusali, kabilang na ang pagpapalit ng isang paaralan sa Tullahan River.

Ayon kay Moreno, bukas ang lungsod ng Maynila sa proyektong ito: “We are very grateful and we encourage this… Yes, we will welcome that.” Ganito rin ang naging pahayag ni Gatchalian, na binigyang-diin ang bilis ng aksyon ng SMC kumpara sa mabagal na proseso ng gobyerno sa pagbili ng kagamitan.

Para naman kay Biazon, mahalagang buksan muli ang mga ilog at sabay ayusin ang luma nang drainage systems sa buong Metro Manila.

Ang alok ni Ang ay kasunod ng matinding pagbaha sa Kamaynilaan dulot ng habagat at bagyong Crising, Dante, at Emong nitong mga nakaraang linggo—isang problema na patuloy na nakaaapekto sa kabuhayan at trapiko sa rehiyon. (Larawan: Ramon S. Ang / Fb)