Bakit nga ba tinatakpan ang mukha at pangalan ng hinuhuling suspek?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-09 20:05:20
Maraming Pilipino ang napapailing kapag nakakakita sa TV o social media ng mga suspek na nahuhuli ng pulis—lalo na sa mga operasyon kontra droga—pero tinatakpan ang mukha o hindi agad pinapangalanan. Para sa ilan, mistulang “proteksyon” ito sa mga kriminal. Ngunit kung sisilipin natin ang batas, malinaw na ito ay para sa karapatan ng isang tao na hindi pa napapatunayang nagkasala.
Ayon sa 1987 Philippine Constitution, Article III, Section 14(2), may tinatawag na presumption of innocence. Ibig sabihin, hangga’t hindi napapatunayan sa korte na may sala ang isang tao, itinuturing pa rin siyang inosente. Ang paghuli ay simula lamang ng proseso—hindi ito awtomatikong katumbas ng guilty verdict.
Dagdag pa rito, ayon sa Republic Act No. 7438, may karapatan ang mga inaaresto na hindi mapahiya o masiraan ng pangalan sa pamamagitan ng trial by publicity. Kapag agad inilabas sa media ang kanilang mukha at pangalan, maaari itong makaapekto sa patas na pagdinig sa korte. May mga kasong pinawalang-sala ang akusado, ngunit tuluyan nang nasira ang kanilang reputasyon dahil sa exposure sa media.
Ang PNP Operational Procedures at Data Privacy Act of 2012 (RA 10173) ay nagtatakda rin na bawal ilabas ang sensitibong impormasyon ng isang suspek nang walang malinaw na pahintulot o legal na basehan. May mga tamang patakaran sa pagpapakita ng mga suspek upang maiwasan ang paglabag sa karapatan at maiwasan ang posibleng pananagutan ng pulisya at media.
Kung sakaling labagin ito—halimbawa, ipakita sa TV ang mukha ng suspek at maglabas ng pahayag na para bang siguradong guilty siya—maaari itong magresulta sa kasong grave abuse of authority, violation of data privacy, o defamation.
Katulad din sa tanong kung bakit hindi agad sinusunog o sinisira ang mga nasasabat na droga sa live coverage. Ayon sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Section 21, kailangan munang maisailalim ang mga ebidensya sa inventory, laboratory testing, at documentation bago ito sirain sa presensya ng DOJ, media, at iba pang kinatawan ng gobyerno.
Sa huli, ang pagtatakip ng mukha ng mga suspek at ang pagsunod sa tamang proseso ay hindi proteksyon para sa kriminal, kundi proteksyon para sa batas at hustisya. Dahil kapag nilabag ang tamang proseso, kahit malinaw ang ebidensya, maaari pa ring mabasura ang kaso.
Mga kababayan, tandaan natin: ang tunay na hustisya ay hindi lang paghuli, kundi ang pagtiyak na tama at makatarungan ang lahat ng hakbang—mula simula hanggang dulo. (Larawan: Google)