PDEA: Kontrobersyal na sigarilyong ‘tuklaw’ may halong synthetic cannabinoid
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-09 10:18:32
MAYNILA — Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na naglalaman ng synthetic cannabinoid ang kontrobersyal na sigarilyong tinatawag na “tuklaw,” matapos ang paunang pagsusuri sa mga sample na nakuha mula sa mga insidente ng pangingisay sa Palawan at Taguig.
Sinabi ni PDEA Spokesperson Atty. Joseph Calulut na, “Ang pagkakatuklas sa naturang kemikal sa tuklaw ay lumitaw sa paunang resulta ng pagsusuri na ginawa sa sigarilyo.” Dagdag pa niya, “Ang synthetic cannabinoid ay kemikal na nilikha para gayahin ang epekto ng natural na cannabinoid na mula sa marijuana. Ipinagbabawal ito sa ilalim ng Dangerous Drugs Act.”
Nag-viral kamakailan ang mga video ng ilang kabataang lalaki na nangingisay matapos humithit ng “tuklaw,” isang itim na sigarilyo na sinasabing may sangkap na “Thuoc Lao,” isang uri ng tabako mula sa Southeast Asia. Ngunit ayon sa PDEA, bukod sa mataas na nicotine content, may halong synthetic cannabinoid ang produkto na maaaring magdulot ng epilepsy, matinding hallucination, at maging kamatayan.
“Ang pangingisay ng mga nakahithit ng tuklaw na nakita sa mga viral video ay epekto umano ng kemikal na may epekto ng epilepsy,” ani Calulut. “Maaari din umanong makamatay ang synthetic cannabinoid.”
Ayon pa sa PDEA, ginagamit ang tabako mula sa naturang bansa sa tradisyonal na paraan, at may sistema sa tamang paggamit. Hindi ito dapat basta-basta hinihithit gaya ng karaniwang sigarilyo. Sa Pilipinas, wala pang regulasyon sa ganitong uri ng produkto, kaya’t hinihintay ng ahensya ang kumpletong resulta ng pagsusuri mula sa isang pribadong laboratoryo upang maipasa sa Dangerous Drugs Board para sa posibleng paglalabas ng bagong polisiya.
Samantala, nanawagan ang mga lokal na opisyal at health experts sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga hindi rehistradong produkto, lalo na sa mga maaaring makasama sa kalusugan. “Dapat po ay maging mapanuri ang publiko sa mga produktong hindi rehistrado at walang malinaw na label ng sangkap,” paalala ng PDEA.
Patuloy ang imbestigasyon sa mga insidente, habang pinaghahanap ang mga indibidwal na nagbebenta ng “tuklaw” sa mga lansangan.
