Suspek na namaril ng 15-ayos na dating kasintahan sa Nueva Ecija, pumanaw na
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-09 10:18:30
SANTA ROSA, NUEVA ECIJA — Pumanaw na ang 18-anyos na suspek sa pamamaril sa kanyang dating kasintahan sa loob ng Santa Rosa Integrated School noong Agosto 7, 2025, ayon sa ulat ng Santa Rosa Municipal Police Station.
Kinilala ang suspek sa alyas na Leo, na umano’y nagtangkang pumasok sa paaralan bandang alas-10 ng umaga upang kausapin ang biktima, isang 15-anyos na Grade 10 student na itinago sa pangalang Lea. Nang tumanggi ang biktima, pumasok si Leo sa silid-aralan at binaril ito sa sentido gamit ang isang cal. 22 snub-nose revolver, bago barilin ang sarili.
Kapwa isinugod sa Doctors Hospital sa Cabanatuan City ang suspek at biktima, ngunit kalaunan ay inilipat sa ibang ospital. Ayon sa pulisya, “He died more than 24 hours after the shooting” matapos dalhin ng kanyang pamilya pauwi mula sa ospital. Samantala, nananatiling kritikal ang kondisyon ni Lea.
Sa panayam ng Raffy Tulfo in Action, humingi ng tulong si Nanay Elvie Entinado, ina ng biktima, upang mailipat sa mas maayos na ospital ang kanyang anak. Nangako si Sen. Raffy Tulfo na magpapadala ng RTIA reporter upang i-assess ang sitwasyon at sagutin ang hospital bills ng biktima.
Ayon kay PMaj. Williard Dulnuan, hepe ng Santa Rosa Police, “According sa guard, noong una pinigil niya, napigilan naman, then hinintay niya maglabasan ang mga estudyante. Sinabayan niya, di na na-notice ng guard na naka-post doon”. Napag-alamang hindi nagsasagawa ng body search ang mga school watchmen, kaya’t naipasok ng suspek ang baril sa loob ng campus.
Kinondena ng Department of Education (DepEd) ang insidente, na tinawag nitong “unacceptable.” Sa pahayag ng DepEd Central Office, “Our schools must be sanctuaries of safety and learning. Any form of violence, especially within or near school grounds, is unacceptable and will not be tolerated”.
Pansamantalang isinara ang Santa Rosa Integrated School habang isinasagawa ang imbestigasyon. Nagbigay rin ng trauma support at stress debriefing ang DepEd sa mga estudyante at guro na naapektuhan ng insidente.
Patuloy ang panawagan ng pamilya ni Lea para sa tulong pinansyal sa gastusin sa ospital habang nilalabanan ng biktima ang kanyang kritikal na kalagayan.
