Kamara, hindi aatras sa impeachment ni Sara — pero susunod kung ibabasura ito ng korte
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-10 15:33:38
AGOSTO 10, 2025 — Handa raw sumunod ang Kamara de Representantes sa anumang pasya ng Korte Suprema kaugnay sa kanilang motion for reconsideration (MR) ukol sa pagdeklarang hindi konstitusyonal ang impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
“Hindi ho namin susuwayin ‘yan, susundin namin ‘yan. The House will not cause the constitutional crisis. The reason, the catalyst for the constitutional crisis will never be caused by the House,” giit ni House prosecution spokesperson Atty. Antonio Bucoy sa isang forum noong Sabado.
Parehong sinang-ayunan ni Deputy Speaker Janette Garin na obligasyon ng Kongreso na rumespeto sa desisyon ng hudikatura.
Noong nakaraang buwan, ibinasura ng Korte Suprema nang 13-0 ang mga artikulo ng impeachment dahil sa paglabag sa "one-year rule" at karapatan sa due process. Subalit, iginiit ng Kamara na ang ikaapat na reklamo — na nilagdaan ng 215 kongresista — ay may sapat na suporta para direktang maipasa sa Senado.
“Yung motion for reconsideration ay hindi ho para pagpuna, hindi po ito para itakwil,” paliwanag ni Bucoy. “Ito ay para tawagin ang kanyang pansin upang magsumamo na bisitahin niyong muli ang inyong desisyon na sa palagay namin at inilahad namin sa aming motion for reconsideration ay mali mula letrang A hanggang letrang Z.”
Samantala, nananatiling bukas ang Senado na muling buksan ang usapin kung magbabago ang hatol ng Korte.
Tatlong MR na ang isinampa sa Korte, kabilang ang sa 1Sambayan coalition.
Habang inaantay ang final ruling, sinabi ni Garin, "Let’s wait and see what happens in the next months … Kasi sa ngayon lahat naguusap-usap … These are things that we need to balance and we need to discuss."
(Hintayin na lang natin sa mga susunod na buwan ... Sa ngayon, nag-uusap-usap pa lahat ... May mga bagay na kailangan nating pag-balansehin at pag-usapan.)
"Meron pang chance na dinggin pa kami," giit ni Bucoy. "Hindi ho kami sumusuko na sana maliwanagan ang Supreme Court at sana tumugon at sumunod ang Senado."
(Larawan: Philippine News Agency)
