VP Sara, Davao City Council Magpapasya sa Persona Non Grata Isyu kay Vice Ganda
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-12 10:35:52
Davao City - Ipinasa na ni Vice President Sara Duterte sa Davao City Council ang responsibilidad na magpasya kung idedeklarang persona non grata ang TV host at komedyanteng si Vice Ganda. Ang hakbang na ito ay kasunod ng kontrobersyal na biro ni Vice Ganda sa kanyang concert na tumukoy sa dating pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagsakay ng jet ski sa West Philippine Sea, at sa umano’y pagkakadetine nito sa The Hague, Netherlands.
Para kay VP Sara, nararapat na ang lokal na pamahalaan ng Davao City ang magdesisyon kung mayroong sapat na batayan para sa naturang hakbang.
Samantala, sinabi ni acting Vice Mayor Rigo Duterte II na bagama’t hindi kanais-nais ang pahayag ng komedyante, mas pinipili ng pamahalaang lokal na unahin ang mas mahahalagang usapin para sa kapakanan ng mga Davaoeño.
“Davao City will not be distracted by cheap insults and distasteful jokes made for clout,” ani Rigo Duterte, na tumutukoy sa pambabatikos na aniya’y walang idinudulot na kabutihan sa komunidad.
Ang deklarasyong persona non grata ay simbolikong aksyon lamang ng isang lokal na pamahalaan na nagpapahayag ng pagtutol sa isang tao dahil sa ginawa nitong hindi kanais-nais. Wala itong legal na kapangyarihang magbawal sa isang indibidwal na pumasok sa lugar, ngunit nagsisilbi itong malinaw na mensahe ng hindi pagtanggap mula sa lokal na komunidad.
Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging desisyon ng Davao City Council kung itutuloy ba ang deklarasyon o pipiliing huwag nang palakihin ang isyu.
