DLSU Laguna, nakatanggap ng bomb threat; walang pampasabog na natagpuan matapos ang inspeksyon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-13 19:50:33
Laguna - Nagdulot ng takot at pagkabahala sa mga estudyante at kawani ng De La Salle University (DLSU) Laguna sa Biñan City ang isang bomb threat na natanggap ng unibersidad nitong Martes ng hapon, Agosto 12, 2025.
Batay sa ulat, isang tawag ang naipasa sa pamunuan ng paaralan na nagsasabing may nakalagay umanong pampasabog sa loob ng campus na sasabog bandang alas-4 ng hapon. Sa parehong pahayag, binanggit ng tumawag na kanselahin umano ang pagpapasabog kung mababayaran ng isang coach mula sa unibersidad ang sinasabing utang.
Agad na kumilos ang pamunuan ng DLSU Laguna sa pakikipagtulungan sa lokal na pulisya. Ipinatupad ang lockdown sa buong campus, at pinayuhan ang lahat ng nasa loob na lumikas patungo sa ligtas na lugar. Mahigpit ding ipinagbawal ang pagpasok ng sinuman habang isinasagawa ang operasyon.
Mabilis na rumesponde ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) team at mga K9 unit upang magsagawa ng masusing inspeksyon sa lahat ng gusali at paligid ng campus. Halos dalawang oras na nagsagawa ng paghahanap ang mga awtoridad bago tuluyang ideklara na walang natagpuang anumang pampasabog.
Sa isang opisyal na pahayag, nagpasalamat ang pamunuan ng DLSU Laguna sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad at sa kooperasyon ng mga estudyante at empleyado. Pinayuhan din nila ang lahat na manatiling mapagmatyag, huwag agad magpakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon, at sumunod sa mga itinatakdang protocol ng kaligtasan.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng banta at kung sino ang nasa likod nito.
