Korte Suprema, pinalakas ang laban vs child rape; mas malawak na depinisyon, mas malaking bayad sa biktima
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-13 20:19:48
AGOSTO 13, 2025 — Naglabas ang Korte Suprema ng bagong patnubay para sa mga kaso ng rape na kinasasangkutan ng mga menor de edad, kung saan pinalawak nito ang depinisyon ng "qualified rape of a minor" at itinaas ang halaga ng bayad-pinsala sa mga biktima.
Ayon sa desisyon ng SC, ituturing na "qualified rape of a minor" ang isang kaso kapag parehong umiiral ang elemento ng statutory rape (batay sa edad o mental capacity ng biktima) at qualified rape (dahil sa relasyon, awtoridad, o kalagayan ng biktima). Dati, limitado lamang ito sa mga kaso kung saan ang biktima ay pitong taong gulang pababa, may kapansanan sa pag-iisip, o may malapit na ugnayan sa salarin.
Dagdag pa ng SC, tataas din ang minimum na halaga ng bayad-pinsala: P150,000 bawat isa para sa civil indemnity, moral damages, at exemplary damages sa qualified rape of a minor; P100,000 sa qualified rape; at P75,000 sa statutory rape. Maaari pa itong tumaas kung mapatunayang labis ang kalupitan ng akto.
Binigyang-diin din ng korte na itinataas na ng Republic Act 11648 ang statutory rape age threshold mula 12 hanggang 16 taong gulang. Ngunit kung walang qualifying circumstances (tulad ng relasyon o abuse of authority), ituturing pa rin itong statutory rape kung ang biktima ay wala pa sa nasabing edad o may kapansanan sa pag-iisip.
Ang bagong alituntunin ay inilabas kasabay ng pagtanggi ng SC sa apela ng isang lalaking nahatulan ng panggagahasa sa kanyang 8-taong-gulang na anak.
"Hindi na sapat ang dati nating depinisyon. Dapat mas malinaw at mas mabigat ang parusa sa mga ganitong krimen," pahayag ng isang legal expert na humingi ng anonymity.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magbibigay ng mas malakas na proteksyon sa mga batang biktima at mas mabilis na hustisya.
(Larawan: Philippine News Agency)
