PDEA, nagbabala sa peligroso at nakakalulong na 'tuklaw' cigarettes
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-13 20:04:32
AGOSTO 13, 2025 — Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko laban sa umano’y mapanganib na "tuklaw" cigarettes na naglalaman ng synthetic cannabinoid — isang ipinagbabawal na kemikal na maaaring magdulot ng seizures at malalang epekto sa kalusugan.
Ayon kay PDEA spokesperson Joseph Calulut, ang mga itim o dark brown na sigarilyo ay puno ng Nicotiana rustica, isang uri ng wild tobacco na mas mataas ang nicotine content kaysa sa karaniwang tabako. Bagama't natural ang halaman, idinagdag dito ang synthetic cannabinoid, isang substance na ipinagbabawal ng United Nations Commission on Narcotic Drugs.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng ahensya ang pinagmulan ng mga sigarilyo matapos ito makita sa Palawan at Taguig. Kumakalat din ang mga viral video na nagpapakita ng kabataang lantad sa "tuklaw" na tila nawawala sa sarili at nagkakaroon ng kakaibang pag-uugali.
“Allegedly, ang sinasabi ng mga batang ito ay binigay lang ng kasama ho nila, kaya we are closely coordinating with the Philippine National Police to determine kung saan ho nila nakuha,” ani Calulut.
Pinag-aaralan din ng PDEA kung may sindikatong nasa likod ng pagkalat nito. Habang hinihintay ang final laboratory results, naghahanda na ang Dangerous Drugs Board ng regulasyon para tuluyang ipagbawal ang substance.
Kasabay nito, pinaigting ang monitoring sa online selling ng "tuklaw," sa tulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
Nagbabala ang PDEA: huwag subukan, huwag tanggapin, at agad ireport sa awtoridad ang anumang suspetsa sa illegal na sigarilyo.
(Larawan: PCADG Metro Manila | Facebook)