DOH: 114K doktor pa ang kailangan, aabutin ng 23 taon para mapunan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-14 09:51:16
MANILA — Nahaharap ang Pilipinas sa matinding kakulangan ng mga doktor, ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, kung saan tanging dalawang rehiyon lamang sa bansa ang nakaaabot sa rekomendadong ratio ng World Health Organization (WHO) na 10 doktor kada 10,000 katao.
Ang Cordillera Administrative Region (CAR) ang may pinakamataas na bilang na 13.4, habang ang National Capital Region (NCR) ay may 10.9. Labindalawang rehiyon ang mas mababa pa sa pambansang average na 5 doktor kada 10,000 katao, kabilang ang Caraga (2.2), Eastern Visayas (3.9), at Zamboanga Peninsula (3.3).
Pinakamababa ang bilang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 0.4 doktor kada 10,000 katao, malayo sa pamantayan ng WHO. Ayon sa IBON Foundation, “Ang kakulangan sa doktor ay nagdudulot ng overstretched hospitals, mas mahabang oras ng paghihintay ng pasyente, at mas mababang kalidad ng serbisyong pangkalusugan”.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, inilahad ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ng bansa ng 114,000 doktor upang maabot ang optimal na serbisyong medikal. “We have a total demand of 189,548 for physicians, and the gap would be 114,000,” ani Vergeire. Sa kasalukuyan, 4,378 bagong doktor lamang ang naipapasa kada taon, kaya tinatayang aabutin ng 23 taon bago mapunan ang kakulangan.
Sa CALABARZON, bagaman bawat bayan ay mayroon nang doktor ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aminado ang DOH na kulang pa rin ang bilang ng health workers. “Based on the standard ratio needed for us to determine if there are enough health workers in the region, our health workers are still not enough,” ayon kay Dr. Emy Perez ng DOH CALABARZON. Kulang pa ang rehiyon ng 375 doktor, 3,401 nurses, at 4,568 midwives.
Upang tugunan ang krisis, pinalalakas ng DOH ang National Health Workforce Support System (NHWSS) at Health Facilities Enhancement Program (HFEP). Sa CALABARZON pa lamang, mahigit ₱1.7 bilyon na ang ginugol para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng 89 healthcare facilities mula 2022.
Ayon kay Dr. Adriel Pizarra ng DOH Health Policy Bureau, “Kailangan po siya priority i-address kasi we can have all of these plans and even budget but if you don't have the people who will be implementing this, mahihirapan po talaga tayo”.
Sa kabila ng pagiging pangunahing tagapagluwas ng mga healthcare professionals sa ibang bansa, nananatiling hamon para sa Pilipinas ang pagpapanatili ng sapat na bilang ng mga doktor sa loob ng bansa. Ang patuloy na “brain drain” at mababang sahod ay ilan sa mga salik na nagpapalala sa krisis.
