Seaman, inalis sa trabaho dahil sa video ng paghalik sa 3-taong gulang na anak
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-14 09:51:14
MAYNILA — Isang Pilipinong seaman ang nawalan ng trabaho matapos maharap sa kontrobersiya kaugnay ng isang video kung saan hinahalikan niya ang kanyang tatlong-taong-gulang na anak. Ayon sa ulat, itinuturing umano ng mga awtoridad sa Estados Unidos ang naturang video bilang child pornography material, dahilan upang harangin siya sa airport at tanggalin sa serbisyo.
Kinilala ang seaman bilang si Romeo Samonte, dating entertainment activity staff ng M/V Vision of the Sea. Sa kanyang testimonya sa Senate Committee on Migrant Workers, ipinaliwanag niyang ang video ay kuha noong Valentine’s Day, kung saan kasama niya ang kanyang asawa at anak. “Anak ko po ’yung nasa video. Nagdiriwang lang kami ng Valentine’s Day,” giit ni Samonte.
Binigyan umano niya ng access ang US authorities sa kanyang email at social media accounts upang patunayan ang kanyang inosente. Kinuha rin ang kanyang cellphone, na ibinalik makalipas ang isang buwan, ngunit nabura na ang video. Dahil sa insidente, napilitang magmaneho ng taxi si Samonte sa Pilipinas upang masuportahan ang kanyang pamilya.
“Nais ko lang pong makabalik sa trabaho, kahit sa Asia na lang. Kahit dishwasher, tatanggapin ko,” aniya.
Samantala, nagpaalala si Senador Raffy Tulfo sa mga OFW at seafarers na maging maingat sa mga kilos at dokumentasyong maaaring ma-interpret nang iba sa ibang bansa. “Ang batas sa international waters at sa mga bansang tulad ng US ay mahigpit pagdating sa child protection. Kahit inosente sa paningin natin, maaaring iba ang interpretasyon sa kanila,” babala ni Tulfo.
Dagdag pa niya, “Hindi porket anak mo, ay pwede mo nang i-document nang walang limitasyon. May mga batas na dapat sundin, lalo na kung nasa ibang hurisdiksyon ka.”
Patuloy ang panawagan ng mga mambabatas para sa mas malawak na orientation at legal education sa mga OFW, lalo na sa mga seafarers na madalas nasa ilalim ng banyagang batas habang nasa serbisyo.
