DOTr, sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver na pinagmaneho ang bata sa mall parking lot
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-15 15:54:35
Manila - Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ng 90 araw ang lisensya ng isang driver na pinahawak ng manibela ang batang nakaupo sa kanyang kandungan habang nagmamaneho sa parking lot ng isang mall sa Parañaque City.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente noong Martes, Agosto 12. Nakuhanan ito ng larawan at agad na umani ng atensyon mula sa publiko at mga otoridad.
Binigyang-diin ni Transportation Secretary Vince Dizon na mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamaneho ng mga bata, lalo na kung wala itong student permit at hindi sapat ang edad para magmaneho.
“Hindi mo pwedeng pagmanehuhin ‘yung bata mong anak na walang student permit, tapos musmos pa. Kabilin-bilinan ng Pangulo, sumunod na lang tayo sa batas, dahil baka hindi lang license suspension ang abutin mo, pwedeng makulong ka pa,” ani Dizon.
Nagbabala rin ang DOTr na bukod sa suspensyon ng lisensya, maaari ring makasuhan ang sinumang magpapabaya sa ganitong uri ng insidente na maaaring magdulot ng aksidente o panganib.
???? Courtesy: Department of Transportation - Philippines
