Mag-asawang may-ari ng Draco Builders, huli sa NAIA! Kaso, P200M estafa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-15 09:24:40
AGOSTO 15, 2025 — Hinuli noong nakaraang linggo sina Nicole Martinez at Miguel Syjuco — ang mag-asawang nagmamay-ari ng Draco Builders — sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kaugnay ng umano’y P200-milyong estafa.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), inabangan ng mga operatibo ang mag-asawa pagdating mula sa Hong Kong, batay sa arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 20 sa Davao Occidental noong Hulyo 22. Sila’y ihaharap ngayon sa korte dahil sa di umano'y misappropriation and contractual deceit para sa tatlong malalaking proyekto sa Mindanao.
Ayon sa NBI, nakakuha umano ang mag-asawa ng halos 95% ng kabuuang halaga ng kontrata, subalit bigo silang tapusin ang mga proyekto. Dagdag pa ng ahensya, hindi umano binalik ng mag-asawa ang pondo para sa isang proyektong hindi naman nila sinimulan.
Pinuri ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago ang operasyon, na nagpahiwatig na walang sinumang exempted sa batas.
Kilala si Nicole sa larangan ng disenyo at konstruksyon. Minsan na siyang itinampok ng Tatler Asia dahil sa kanyang minimalist na “glass house” sa Alabang. Naging popular ang kanilang kumpanya sa mga eksklusibong subdivision.
(Larawan: Reddit)
