Walang Pasok: Suspendido ang klase Imus at Kawit, Cavite dahil sa masamang panahon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-17 22:18:30
CAVITE — Inanunsyo ni Mayor Alex Advincula ng Lungsod ng Imus ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas, mula pampubliko hanggang pribadong paaralan, bukas Lunes, Agosto 18, 2025, bilang pag-iingat sa banta ng masamang panahon. Kabilang din sa kanselasyon ng klase ang mga kolehiyo at unibersidad na matatagpuan sa lungsod.
Kasabay nito, ipinahayag din ng mga lokal na opisyal ng Kawit, Cavite na suspendido rin ang pasok sa parehong antas ng paaralan sa kanilang lugar sa kaparehong petsa. Ang nasabing hakbang ay bahagi ng pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa gitna ng nararanasang sama ng panahon.
Upang mabilis na makapagbigay ng tulong sa oras ng emergency, binuksan ng Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kanilang 24/7 hotlines na maaaring tawagan ng mga residente:
- 09399120887
- (046) 472-2623
- (046) 472-2625
- (046) 472-2618
Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang lahat ng Imuseño at Kawiteño na manatiling ligtas, umiwas sa pagbabad sa baha, at patuloy na mag-monitor ng mga anunsyo mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan at sa mga opisyal na weather bulletin.
Ang suspensyon ng klase ay nagsisilbing paalala na higit sa lahat, ang kaligtasan ng mga mamamayan ang pangunahing prayoridad sa panahon ng kalamidad. Samantala, inaasahan namang maglalabas ng karagdagang abiso ang mga awtoridad kung kinakailangan depende sa magiging lagay ng panahon sa mga susunod na araw. (Larawan: City Government of Imus)
