Isa sa pinakamalaking mall sa Cavite, paparating na sa 2026!
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-18 22:13:21
GENERAL TRIAS, CAVITE — Patuloy ang pag-angat ng probinsya ng Cavite at isa sa pinakamalaking patunay dito ay ang itinatayong SM City General Trias sa loob ng Riverpark North. Mula nang magsagawa ng groundbreaking noong nakaraang taon, mabilis na umuusad ang konstruksyon at target na matapos ang proyekto pagsapit ng 2026.
Isa itong malaking hakbang para sa General Trias, dahil hindi lamang ito magiging karagdagang pasyalan at shopping destination kundi isa ring bagong sentro ng trabaho at kabuhayan para sa libo-libong Caviteño. Inaasahang magbibigay ito ng libu-libong job opportunities mula sa construction phase hanggang sa mismong operasyon ng mall.
Hindi basta-bastang mall ang SM City General Trias. Ayon sa plano, magiging isa itong modern lifestyle hub na may kumpletong tindahan, kainan, at iba’t ibang pasilidad na magbibigay-ginhawa at aliw sa mga residente. Bahagi rin ito ng mas malawak na master-planned estate ng Riverpark North, na magsasama-sama ng residential areas, commercial districts, at maging isang future transport hub na tiyak na magpapadali sa biyahe at koneksyon ng mga Caviteño.
Sa mabilis na pag-usbong ng mga proyekto tulad nito, unti-unting nagiging prime growth area ang Cavite, lalo na sa General Trias. Para sa marami, ang pagtatayo ng bagong SM mall ay hindi lamang simbolo ng urbanisasyon kundi ng mas maliwanag na kinabukasan para sa lokal na ekonomiya.
Sa inaasahang pagbubukas ng SM City General Trias sa 2026, tiyak na masasabing: “Level up na talaga ang Cavite!” (Larawan: Philippines Graphic / Google)
