Pag-IBIG Fund, may special offer na 3% housing loan para sa unang 10 taon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-18 23:22:29
Manila - Nag-anunsyo ang Pag-IBIG Fund ng bagong alok para sa mga gustong bumili ng bahay. Magbibigay sila ng 3% interes na naka-fix sa loob ng 10 taon para sa unang 30,000 miyembro na kukuha ng loan sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH.
Karaniwan ay limang taon lang ang ganoong mababang interes, kaya malaking tulong ang dobleng haba ng panahong ibibigay ngayon. Ayon sa Pag-IBIG, mas mapapadali nito ang pagbabayad ng buwanang hulog ng mga miyembro dahil tiyak at mas mababa ang babayaran.
Saklaw ng loan ang mga bahay at lupa na nagkakahalaga hanggang ₱850,000 at mga condo unit na hanggang ₱1.8 milyon. May dagdag ding ₱100,000 loan para sa pag-aayos ng bahay. Dahil 100% ang loan-to-value ratio, hindi na rin kakailanganin ang cash na paunang bayad.
Maaaring mag-apply ang mga miyembrong kumikita ng hanggang ₱47,856 kada buwan sa NCR at ₱34,686 sa labas ng NCR. Kwalipikado rin ang OFWs, kahit ano pa ang kanilang kinikita.
Ayon kay Pag-IBIG CEO Marilene Acosta, layunin ng programang ito na gawing mas abot-kaya ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa mga Pilipino. Dagdag pa ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, ito ay tugon sa direktiba ng Pangulo para mapabilis ang pagpapatayo ng murang pabahay.
Para makasali, inilunsad ng Pag-IBIG ang Expanded 4PH Online Registration Facility kung saan maaaring magparehistro ang mga interesadong miyembro at pumili ng unit online.
