Grade 12 Student, Pumanaw Matapos Bumagsak sa Dance Performance sa Cebu
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-19 22:04:19
Tuburan, Cebu — Isang 17-anyos na Grade 12 student ng Tuburan National High School ang binawian ng buhay matapos bumagsak habang nagsasayaw sa culminating activity para sa “Buwan ng Wika” nitong Lunes, Agosto 18.
Ayon sa mga ulat, biglang nag-collapse ang dalagita sa gitna ng kanilang dance presentation bandang alas-2:30 ng hapon. Agad siyang isinugod sa Tuburan District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Base sa pahayag ng ina ng estudyante, nakaramdam na umano ng pananakit ng katawan at kalamnan ang kanyang anak matapos lumahok sa isang school fun run noong Agosto 16. Gayunpaman, ipinilit pa rin nitong sumali sa programa ng paaralan.
Inirekomenda ng mga pulis na isailalim sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay. Subalit tumanggi ang pamilya na isagawa ito.
Patuloy na nakikiramay ang pamunuan ng paaralan at lokal na pamahalaan sa naulilang pamilya ng estudyante, habang inaasahang magsasagawa ng karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang kalagayan bago ang insidente.
