Diskurso PH
Translate the website into your language:

Senate Blue Ribbon Committee maglalabas ng subpoena laban sa flood control contractors

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-19 13:56:40 Senate Blue Ribbon Committee maglalabas ng subpoena laban sa flood control contractors

MANILA — Maglalabas ng subpoena ang Senate Blue Ribbon Committee laban sa ilang kontratista ng flood control projects na bigong dumalo sa imbestigasyon ng Senado nitong Martes.

Sa 15 kontratistang inimbitahan ng komite, pito lamang ang nagpadala ng kanilang kinatawan. Dumalo ang mga kinatawan mula sa Legacy Construction Corporation, QM Builders, EGB Construction Corporation, Centerways Construction and Development Inc., Triple 8 Construction & Supply Inc., MG Samidan Construction, at Road Edge Trading & Development Services.

Dahil kulang ang dumalo, naghain ng mosyon si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para ipatawag sa pamamagitan ng subpoena ang mga hindi sumipot na kontratista. Agad itong inaprubahan ni Committee Chairperson Senator Rodante Marcoleta, habang nagpaalala naman si Vice Chairperson Senator Erwin Tulfo na dapat magbigay ng malinaw na dahilan ang mga contractor sa kanilang hindi pagdalo, maliban na lamang kung may valid na rason gaya ng pagkakasakit o matagal nang naka-schedule na lakad.

Ayon kay Marcoleta, layon ng imbestigasyon na matukoy ang umano’y malawakang katiwalian sa pagpapatupad ng mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Tinatayang aabot sa ₱544 bilyon ang nakalaang pondo para sa mga proyekto, ngunit ilang proyekto umano ang overpriced, delayed, o kaya’y tinatawag na “ghost projects.”

“Hindi lang pondo ang nakasalalay dito, kundi kaligtasan ng mga Pilipino laban sa pagbaha,” diin ni Marcoleta. Dagdag pa niya, patuloy na nagdurusa ang maraming komunidad dahil sa mabagal at kulang-kulang na imprastraktura, sa kabila ng napakalaking pondong inilaan.

Si Sen. Tulfo naman ay nagbabala na pananagutin ang mga kontratista na patuloy na iiwas sa imbestigasyon. Aniya, hindi sapat na magpadala lamang ng kinatawan kung wala namang malinaw na paliwanag ang mga pangunahing opisyal ng kumpanya.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si Sen. Alan Peter Cayetano, na kabilang din sa mga vice chair ng komite. Ayon sa kanya, mahalagang linawin kung saan talaga napunta ang malaking pondo para matiyak na hindi ito nasayang at hindi ginamit sa maling paraan.

Bukod sa Senado, nagsasagawa rin ng fraud audit ang Commission on Audit (COA) sa mga flood control projects, partikular sa Bulacan, matapos lumabas ang mga ulat ng anomalya. Ayon kay COA Chairman Gamaliel Cordoba, sinisilip ngayon kung paano nagamit ang halos ₱548 bilyon mula pa noong 2022 na inilaan sa mga proyektong dapat sana’y proteksyon laban sa pagbaha.

Tiniyak ng Blue Ribbon Committee na hindi nila palalagpasin ang mga contractor na tumatangging makipagtulungan. Inaasahan na sa susunod na pagdinig ay ipiprisinta na ng komite ang mga subpoena upang mapilitang humarap ang mga hindi sumipot.