Diskurso PH
Translate the website into your language:

Suspek sa pagpatay sa batang natagpuan sa tabing dagat — nahuli na. Suspek, sariling ama

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-19 23:07:21 Suspek sa pagpatay sa batang natagpuan sa tabing dagat — nahuli na. Suspek, sariling ama

DAGUPAN CITY, Pangasinan — Isang karumal-dumal na krimen ang gumulantang sa mga residente ng Dagupan matapos matagpuan ang bangkay ng isang pitong taong gulang na batang babae na walang saplot sa dalampasigan ng Barangay Bonuan Gueset noong Agosto 15.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na mismong ama ng bata ang pangunahing suspek sa kanyang pagpatay. Naaresto rin ang kasabwat nitong babae na kasalukuyang legal na asawa ng suspek. Ayon kay Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, OIC ng Dagupan City Police, nadakip ang dalawa sa bayan ng Sison, Pangasinan noong gabi matapos matagpuan ang bangkay ng bata.

Batay sa salaysay ng mga saksi, magkasamang kinuha ng mag-asawa ang bata sa tapat ng kanilang bahay sa Asingan, Pangasinan noong Agosto 14. Kinabukasan, natagpuan na lamang ang biktima na wala nang buhay at itinapon sa dalampasigan.

Naging susi sa pagkakadakip ng mga suspek ang isang nirentahang sasakyan na ginamit sa pagkuha ng bata. Naiwan umano ng ama ang kanyang ID nang umupa ng sasakyan, dahilan upang madaling matukoy ng mga pulis ang kanilang pagkakakilanlan at kinaroroonan.

Ayon kay Calub, posibleng paghihiganti ang motibo sa krimen. Iniuugnay ito sa mga isyu ng suporta, pagkakaroon ng nakunan, at mga epekto ng postpartum, ngunit naniniwala ang mga imbestigador na paghihiganti ang pinakamalakas na dahilan. Isinasailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang malaman kung posibleng pinagsamantalahan din siya bago pinatay.

Sa ngayon, nakakulong ang mag-asawa sa istasyon ng pulisya sa Dagupan at nakatakdang sampahan ng mabibigat na kaso. Kabilang dito ang kidnapping at parricide laban sa ama, at kidnapping at murder laban sa babae.

Patuloy ang imbestigasyon at nananawagan ang mga awtoridad ng katarungan para sa inosenteng biktima na naging biktima mismo ng kanyang sariling dugo. (Larawan: iStock / Google)