Diskurso PH
Translate the website into your language:

'AKAY ni Gob Botika', magbubukas sa 24 bayan at 6 lungsod ng Laguna

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-21 23:00:31 'AKAY ni Gob Botika', magbubukas sa 24 bayan at 6 lungsod ng Laguna

LAGUNA — Puspusan na ang paghahanda ng Team AKAY ni Gob para sa pagtatayo ng “AKAY ni Gob Botika”, isang proyektong layong magbigay ng libreng maintenance medicines sa 24 na bayan at 6 na lungsod ng Laguna.

Ayon sa anunsiyo, tatlong batch ang gagawing implementasyon upang matiyak ang maayos na distribusyon at operasyon ng mga botika. Target ng programa na magkaroon ng sariling botika ang bawat bayan at lungsod, na magbibigay ng mga pangunahing gamot gaya ng Atorvastatin, Metformin, Amlodipine, at Losartan — karaniwang maintenance medicines para sa altapresyon, diabetes, at iba pang malulubhang karamdaman.

Binibigyang-diin ng pamunuan na ang libreng gamot ay para sa lahat, anuman ang estado sa buhay. Maging mahirap man o may kaya, maaring makinabang sa serbisyong ito sa oras na maitatag ang mga botika.

“Buwis ito ng mamamayan ng Laguna, kaya dapat mapakinabangan ng lahat,” ayon sa pahayag ng Team AKAY.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng proyektong ito ay mababawasan ang pasanin sa gastusin sa kalusugan ng bawat pamilyang Lagunense at mapapalakas ang kampanya para sa mas malusog na pamayanan.

Sa ngayon, puspusan ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at lokal na opisyal upang masiguro ang maayos na pagpapatupad ng programa. Inaasahang magsisilbing malaking hakbang laban sa sakit at kahirapan ang pagkakaroon ng libreng maintenance medicines para sa mga mamamayan ng Laguna. (Larawan: Gov. Sol Aragones / Fb)