Diskurso PH
Translate the website into your language:

Comelec chief Garcia sa mga snatcher: 'Sa laki ng mata ko, paano ako mapagkakamalang Chinese?'

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-21 09:27:16 Comelec chief Garcia sa mga snatcher: 'Sa laki ng mata ko, paano ako mapagkakamalang Chinese?'

MAYNILA — Isang insidente ng pagnanakaw ang kinasangkutan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia noong Martes, kung saan tinangay ang kanyang bag ng isang grupo sa Pasay City. Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga suspek ay naaresto na at kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Police.

Inamin ng suspek na napagkamalan nilang Chinese si Garcia kaya siya ang naging target ng krimen. “Ako po ay humihingi sa kanya ng sorry at hindi po namin siya nakilala. Akala po namin siya ay isang Chinese. Kung nakilala po namin siya agad, hindi po namin siya pagnanakawan,” pahayag ng suspek.

Ayon kay Garcia, hindi siya naniniwalang napagkamalan siyang turista. “Sa laki naman ng mata ko, pambihira naman, at kaliit-liit ko pa. Bakit naman ako paghihinalaang [Chinese],” aniya. Ipinaliwanag din niya na galing sila sa Senado kaya maayos ang kanilang pananamit, at maaaring may nagtimbre sa grupo na may paparating na mga dayuhan. “So siguro may nagtimbre na may parating na isang grupo... akala nila siguro foreigners ’yung parating,” dagdag pa niya.

Narekober ng mga pulis ang bag ni Garcia sa pamamagitan ng backtracking ng CCTV footage. Naaresto ang isang babaeng suspek sa Bacoor, Cavite, na itinuturong lider ng grupo. Patuloy pa rin ang pagtugis sa anim pang kasamahan nito.

Ayon sa Comelec Chief, karamihan sa kanyang kagamitan ay naibalik na, ngunit hindi na nabawi ang perang nasa loob ng bag. Nanawagan siya ng mas mahigpit na seguridad at masusing imbestigasyon sa mga ganitong insidente upang maprotektahan ang publiko laban sa mga kriminal na grupo.