Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga residente umapela kay PBBM sa palpak na ₱275M flood control project sa Pampanga River

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-22 18:20:32 Mga residente umapela kay PBBM sa palpak na ₱275M flood control project sa Pampanga River

ARAYAT, PAMPANGA — Nanawagan ang mga residente ng Barangay Candating sa Pangulo ng Pilipinas, Ferdinand Marcos Jr., na personal na inspeksyunin at imbestigahan ang umano’y palpak na ₱275-milyong flood control project na bumagsak noong Agosto 2024, na nagdulot ng panganib sa mga pamilya sa lugar.

Ang proyekto, na opisyal na tinatawag na Rehabilitation of the Eroded Bank of Pampanga River in Candating, ay ipinagkatiwala sa Edmarri Construction and Trading. Ayon sa mga dokumento, nakatanggap ang kontratista ng ₱91 milyon noong 2023, ₱182 milyon noong 2024, at karagdagang ₱100 milyon ngayong 2025. Sa kabila ng malaking pondo, sinabi ng mga residente na hindi kumpleto ang istruktura at tila “ghost-like” ang pagkakagawa.

“Ito ay napakalaking halaga ng pera ng ating bayan na nasayang lamang at higit sa lahat ay nagdulot pa ng perwisyo at kapahamakan sa aming mga kabaryo,” ayon sa bukas na liham ng anim na barangay kagawad: Joseph Hipolito, Manny Mariano, Jace Pineda, Riza Guttierez, Arnold Alicuman, at Gonzalo Mesa.

Isang residente ang nagsabi na “Iyong po nilagay nila sheet pile putol at hindi buo,” na nagpapahiwatig ng substandard na materyales at hindi maayos na konstruksyon. Dagdag pa rito, lumalabas sa mga rekord na ang proyekto ay itinuturing na “priority infrastructure” ni dating Senior Deputy Speaker at ngayo’y Special Adviser to the Speaker, Dong Gonzales, na konektado umano sa tinaguriang “Big Six” sa Kongreso — mga mambabatas na sinasabing may impluwensiya sa pondo ng flood control.

Ang contractor na Edmarri Construction ay sinasabing may kaugnayan kay 4th District Rep. Anna York Bondoc Sagum, na kapatid ng asawa ng may-ari ng kumpanya.

Matatandaang kamakailan ay binatikos ni Pangulong Marcos ang mga “ghost projects” sa flood control, kabilang ang isang ₱55-milyong proyekto sa Baliuag, Bulacan, kung saan binayaran ang kontratista para sa istrukturang hindi naman naipatayo.

Para sa mga taga-Candating, ang pagbagsak ng kanilang flood protection wall ay bahagi ng mas malawak na pattern ng mga proyektong hindi epektibo, bagama’t ginastusan ng bilyon-bilyong piso. Umaasa silang personal na bibisita si Pangulong Marcos upang makita ang tunay na kalagayan ng kanilang komunidad.

“Mr. President, we need you to see this with your own eyes,” giit ng mga residente