DMW magpapatupad ng mas mataas na sahod at bagong proteksyon para sa OFW Household Workers
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-23 17:40:40
MANILA – Magandang balita para sa libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho bilang household service workers sa iba’t ibang bansa. Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagtaas ng kanilang minimum wage at pagpapatupad ng mas mahigpit na proteksyon upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kapakanan habang nasa abroad.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, tataas mula USD 400 patungong USD 500 ang buwanang sahod ng mga domestic worker. Kasabay nito, ilulunsad din ang ilang programa na layong tugunan ang mga reklamo at pangangailangan ng mga OFW.
Ilan sa mga pangunahing reporma ng DMW ay ang:
Libreng annual medical check-up para sa household workers na gagastusan ng Aksyon Fund.
“Know Your Employer” system kung saan magkakaroon ng video call ang worker at employer bago pirmahan ang kontrata.
“Kamusta Kabayan” monitoring program na ipatutupad muna sa Kuwait at Israel upang regular na makausap ng welfare officers ang mga OFW at agad na maresolba ang problema.
Mas mahigpit na housing standards para sa mga recruitment agencies habang naghihintay ng deployment ang mga aplikante.
Whitelisting ng agencies kung saan tanging mga may malinis na rekord at sumusunod sa tamang proseso ang papayagang mag-deploy ng mga manggagawa.
Bukod sa domestic helpers, magkakaroon din ng sariling kategorya ang mga caregiver para mas maipakita ang pagkakaiba ng kanilang trabaho at mas mataas na antas ng kasanayan.
Karamihan sa mga household workers na Pilipino ay nakatalaga sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, at Kuwait. Tiniyak ng DMW na ang bagong minimum wage at reporma ay ipatutupad sa lahat ng bansang may deployment ng OFWs.
Dagdag pa rito, binanggit ng ahensya na bibigyan ng opsyon ang mga gustong mag-reskill o mag-shift ng trabaho tungo sa caregiving, hospitality, at iba pang industriya, sa tulong ng TESDA.
“Ang pinakapuso nito ay dagdag proteksyon at mas maayos na trato para sa ating mga OFW,” ayon kay Cacdac.
Larawan mula sa Philippines News Agency
