Diskurso PH
Translate the website into your language:

PAOCC nagbabala laban sa mapagsamantalang online lending apps

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-23 07:28:18 PAOCC nagbabala laban sa mapagsamantalang online lending apps

Manila - Nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa publiko laban sa mga abusadong online lending applications (OLA) na patuloy umanong nananakot at nangha-harass ng kanilang mga kliyente.

Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, higit 300 lending apps ang umiikot sa bansa ngunit maraming reklamo ang natatanggap mula sa mga gumagamit. Karamihan sa mga apps na ito ay agad inaaksiyunan at pinasasara kapag napatunayang lumalabag sa batas.

Ibinunyag pa ni Cruz na laganap ang hindi makatarungang pamamaraan ng ilang OLA, kabilang ang paghingi ng access sa social media accounts, contact list, at mga larawan ng kliyente. Ang impormasyong ito umano ay ginagamit para takutin at pahiya­in ang mga hindi nakababayad sa oras.

Sa dami ng reklamo, nakapagtala na ang PAOCC ng tinatayang 15,000 kaso mula sa mga nabiktima ng naturang mga lending apps. May mga ulat din na umabot sa matinding trahedya ang sitwasyon, dahil may ilan umanong nang-suicide dulot ng matinding panggigipit.

Bilang tugon, naglatag ang PAOCC ng mga one-stop shop tulad sa Pasay City kung saan maaaring magsumite ng reklamo ang mga biktima. Nagbibigay rin sila ng tulong gaya ng pamasahe at pagkain upang hindi na mahirapan ang mga nagrereklamo.

Pinayuhan ng ahensya ang publiko na mas mainam munang lumapit sa mga lehitimong institusyon gaya ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), at mga kooperatiba para sa pautang. Kapag sa pribadong app naman uutang, tiyaking nakarehistro at may lisensya sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Nagbabala rin si Cruz laban sa mga app na nag-aalok ng sobrang bilis na approval o di makatotohanang mababang interes. Aniya, kung tila masyadong maganda para maging totoo, malamang ay may kapalit itong panganib.

Samantala, tinututukan din ng mga mambabatas ang isyu. Isinusulong ngayon sa Senado ang Fair Debt Collection Practices Act na layong higpitan ang parusa laban sa mga abusadong paraan ng pangongolekta ng utang, kung saan posibleng pagmumultahin hanggang P60,000 ang lalabag.