Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOH: isa sa limang may HIV, namamatay sa TB

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-24 13:56:12 DOH: isa sa limang may HIV, namamatay sa TB

AGOSTO 24, 2025 — Isa sa bawat limang Pilipinong may HIV ay namamatay dahil sa tuberculosis, ayon sa Department of Health (DOH). Babala ng ahensya, mas madaling kapitan ng TB ang mga taong may HIV dahil sa mahinang resistensya.

“Mas mataas ang posibilidad na magka-TB ang isang PLHIV dahil sa mahinang immune system,” pahayag ng DOH.

Kapag hindi agad nagagamot ang TB, maaari itong humantong sa malubhang komplikasyon at kamatayan, kaya’t iginiit ng DOH ang kahalagahan ng regular na pagsusuri, tuloy-tuloy na gamutan, at paggamit ng Tuberculosis Preventive Treatment (TPT).

“Ang HIV at TB co-infection ay maiiwasan sa pamamagitan ng regular na TB screening, tuloy-tuloy na pag-inom ng antiretroviral therapy (ART), at paggamit ng Tuberculosis Preventive Treatment (TPT),” dagdag ng DOH.

Libre ang ART at TPT sa mga HIV Care facility sa bansa.

Sa paggunita ng National Lung Month ngayong Agosto at National Tuberculosis Day noong Agosto 19, muling iginiit ng DOH ang pangangailangan ng mas pinaigting na kampanya laban sa TB. Noong Marso, sa World Tuberculosis Day, ibinahagi ni DOH Secretary Ted Herbosa ang datos ng ahensya:

“In the Philippines, we reported 546,452 TB cases in 2024. While that's lower than the previous year, we are still far from our goal of a TB-free Philippines,” ani Herbosa.

(Sa Pilipinas, naiulat namin ang 546,452 kaso ng TB noong 2024. Bagama’t mas mababa ito kumpara sa nakaraang taon, malayo pa rin tayo sa layuning maging TB-free ang bansa.)

“But there is progress. We've seen a slight decrease in TB-related deaths from 20,605 in 2022 to 20,588 in 2023. Though small, these victories show we are on the right track. Still, we must do more,” dagdag niya.

(Pero may kaunting pag-usad. Nakita natin ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga namamatay sa TB — mula 20,605 noong 2022, naging 20,588 noong 2023. Bagamat maliit ang pagbabago, patunay ito na nasa tamang direksyon tayo. Gayunpaman, marami pa tayong kailangang gawin.)

Batay sa ulat ng World Health Organization ngayong taon, kabilang ang Pilipinas sa limang bansang may pinakamaraming kaso ng TB sa buong mundo — kasama sa 56% ng global total.

Samantala, umabot na sa 148,831 ang kabuuang bilang ng HIV cases sa bansa nitong Hunyo. Ayon sa DOH, tumaas ng 500% ang kaso ng HIV sa mga kabataang Pilipino.

(Larawan: National Tuberculosis Control Program - DOH)