Presyo ng baboy, posibleng tumaas sa pagsisimula ng “Ber” Months
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-24 00:17:58
Agosto 24, 2025 - Inaasahang tataas ang presyo ng baboy sa mga susunod na buwan habang papalapit ang holiday season, ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines.
Mula sa kasalukuyang ₱190 kada kilo sa farm-gate level, maaaring umakyat ang halaga nito hanggang ₱230 kada kilo. Katumbas nito, posibleng pumalo sa humigit-kumulang ₱350 kada kilo ang presyo ng baboy sa mga pamilihan. Sa ngayon, ibinebenta na ito sa pagitan ng ₱330 hanggang ₱380 kada kilo.
Ayon kay Eric Harina, presidente ng naturang samahan, tatlong pangunahing salik ang nagtutulak ng pagtaas:
Pagtaas ng demand sa pagpasok ng “ber” months na karaniwang panahon ng paghahanda para sa mga pista at kapaskuhan.
Mahinang produksyon bunsod ng African Swine Fever (ASF) at epekto ng maulang panahon na nakasama sa kalusugan ng mga alagang baboy.
Pagdagsa ng mas murang imported na karne, na nagkakahalaga lamang ng ₱240–₱300 kada kilo, na nakakaapekto sa benta ng lokal na produkto.
Dagdag pa ni Harina, nananatiling limitado ang pagdami ng alagang baboy sa bansa. Mula 8.7 milyong ulo noong 2024, bahagya lamang itong umangat sa 8.8 milyon ngayong taon.
Upang maibsan ang bigat sa mga mamimili, iminungkahi ng grupo ang pagpapasimple ng supply chain sa pamamagitan ng direktang ugnayan ng mga magsasaka at mga pamilihan o retailers. Layunin nitong maiwasan ang sobrang patong ng presyo dahil sa mga middleman.
Sa paglapit ng kapaskuhan, inaasahang mas mararamdaman ng publiko ang pagtaas ng presyo, lalo na sa mga pagkaing karaniwang tampok sa mga handaan gaya ng lechon at hamon.
