Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bam Aquino nanawagang gamitin ang agham sa solusyon sa baha, ilaan ang pondo sa matitibay na proyekto

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-25 14:27:53 Bam Aquino nanawagang gamitin ang agham sa solusyon sa baha, ilaan ang pondo sa matitibay na proyekto

AGOSTO 25, 2025 — Nanawagan si Senador Bam Aquino sa pamahalaan na gamitin ang talino ng mga Pilipinong siyentipiko sa pagbuo ng epektibong solusyon sa lumalalang problema ng pagbaha sa bansa. Giit niya, panahon na upang palitan ang mga luma at hindi gumaganang istratehiya ng mga hakbang na may batayan sa agham.

“Panahon na para gumamit ng ibang istratehiya. Let’s tap our world-class Filipino scientists and other experts in preventing flooding (Gamitin natin ang galing ng mga Pilipinong siyentipiko at iba pang eksperto para maiwasan ang pagbaha). Marami silang maiaambag sa pagresolba ng problemang ito,” pahayag ni Aquino, na namumuno sa Senate Committee on Science and Technology.

Binatikos ng senador ang patuloy na paggastos ng gobyerno sa mga proyektong kontra-baha na madalas ay hindi epektibo at nauuwi lamang sa isyu ng korapsyon. Mula 2009 hanggang 2024, tinatayang umabot na sa ₱1.47 trilyon ang nailaan para sa flood control, ngunit nananatiling bulok ang mga drainage system, luma ang mga pumping station, at kulang ang mga programang nakatuon sa pamayanang apektado ng baha.

“Instead of spending hundreds of billions of pesos on flood control projects that are often botched and are a source of corruption, let's fund programs that will definitely protect the people and our future,” giit ni Aquino.

(Sa halip na gumastos ng daan-daang bilyong piso sa mga proyektong kontra-baha na madalas ay palpak at nauuwi sa korapsyon, pondohan natin ang mga programang tiyak na magpo-protekta sa taumbayan at sa kinabukasan.)

Iminungkahi niyang ilaan ang pondo sa mga proyektong pangkalikasan gaya ng mangrove reforestation, watershed rehabilitation, climate-resilient infrastructure, at urban planning na may pangmatagalang benepisyo.

Bukod sa mga proyektong pang-resiliency, iginiit din ni Aquino na maaaring gamitin ang bahagi ng flood control budget sa pagpapatayo ng mga silid-aralan upang tugunan ang kakulangan sa mga pampublikong paaralan.

“The classroom shortage is much smaller than this year’s flood control budget ... The P350 billion or P500 billion that is being given for flood control, that is bigger than what we need for all the classroom shortages in our country,” dagdag pa niya.

(Mas maliit ang kakulangan sa mga silid-aralan kumpara sa budget ngayong taon para sa flood control ... Ang ₱350 bilyon o ₱500 bilyon na inilaan para sa mga proyektong kontra-baha ay mas malaki pa sa kinakailangang pondo para tugunan ang lahat ng kakulangan sa silid-aralan sa buong bansa.)

Nanawagan si Aquino sa pamahalaan na magpatupad ng mas matalinong paggamit ng pondo at isantabi ang mga proyektong hindi nakatutulong sa tunay na kaligtasan ng mamamayan.

(Larawan: Bam Aquino | Facebook)