Walang Pasok: Suspendido ang klase sa San Pedro City bukas, Agosto 26, 2025 (Martes)
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-25 21:06:55
LAGUNA — Batay sa opisyal na anunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Philippines), idineklara ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong Probinsya ng Laguna bukas, Agosto 26, 2025 (Martes).
Kabilang sa suspensyon ang lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan, kabilang na ang Lungsod ng San Pedro. Hindi lamang mga paaralan ang apektado, kundi maging ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Tanging ang mga skeletal forces lamang ang mananatiling nakatalaga upang tumugon sa mga agarang pangangailangan at maghatid ng mahahalagang serbisyo sa mga apektadong lugar.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magiging hassle o malala ang lagay ng panahon bukas, dahilan upang magpatupad ng preventive suspension. Kaugnay nito, maraming mamamayan ang makakaranas ng karagdagang isang araw na pahinga matapos ang apat na araw na long weekend.
Kasabay ng anunsyo, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto, lalo na sa mga mabababang lugar na maaaring bahain at sa mga pamayanang malapit sa gilid ng bundok na may banta ng pagguho ng lupa. Pinayuhan din ang mga mag-aaral at empleyado na gamitin ang panahon upang manatili sa ligtas na tahanan at umiwas sa hindi kinakailangang paglabas.
Samantala, hinihikayat ng DILG at lokal na pamahalaan ang lahat ng residente na patuloy na sumubaybay sa mga opisyal na abiso para sa karagdagang update. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na pag-iingat para sa kaligtasan ng bawat Lagunense. (Larawan: San Pedro City Government / Fb)
