CSC: Walang batas na nagbabawal sa online gambling ng gov’t workers
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-27 09:14:28
MANILA — Nilinaw ng Civil Service Commission (CSC) na wala pang umiiral na batas na tahasang nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na makilahok sa online o land-based gambling sa labas ng oras ng trabaho. Ang pahayag ay ginawa ni CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap sa pagdinig ng House Appropriations Committee kaugnay ng panukalang ₱4.19-bilyong budget ng ahensya para sa 2026.
“The only prohibition is provided under an Executive Order issued a few years back which prevents government employees from entering gambling establishments during office hours,” ani Barua-Yap. Dagdag pa niya, “If a government employee enters a legal gambling establishment, and you did not engage in gambling during office hours, can we get into your space to prevent you and provide a ban on online gambling as an omnibus cover for all government employees?”
Ayon sa CSC, ang kasalukuyang mga patakaran ay nakabatay lamang sa Executive Order No. 06, s. 2016 ng Office of the President, na nagbabawal sa mga kawani ng gobyerno na pumasok sa mga casino habang nasa oras ng trabaho. Gayunpaman, hindi nito saklaw ang online gambling na isinasagawa sa pribadong oras.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Barua-Yap na hindi kanais-nais ang imahe ng isang opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa anumang uri ng sugal. “Kasi kahit anong gawin natin, kahit sabihin natin na illegal or legal 'yan, pag nakakakita ka ng empleyado ng gobyerno, official ng gobyerno, na nagsusugal, whether it be traditional or online gambling activities, hindi po ito nakakatuwa,” aniya.
Nagpahayag din ang CSC ng intensyon na irekomenda ang pagbuo ng batas na magreregula sa paglahok ng mga kawani ng gobyerno sa anumang uri ng sugal, kabilang ang online platforms. “I would recommend probably from our study… for the possibility of passing a law in regard to the conduct of government employees in any form of gambling,” dagdag ni Barua-Yap.
Samantala, ipinatupad na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Memorandum Circular 2025-082 na nagbabawal sa lahat ng tauhan nito, kabilang ang mga opisyal ng local government units (LGUs), na makisangkot sa online gambling. Sumunod din ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng kautusang tanggalin ang mga link sa e-gambling sites mula sa mga e-wallet platforms noong Agosto 15.
Habang wala pang pambansang batas, hinihikayat ng CSC ang bawat ahensya ng gobyerno na magpatupad ng sariling patakaran upang mapanatili ang disiplina at tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo.
