Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga anak ng politiko, binabatikos dahil sa ipinapakitang marangyang pamumuhay

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-28 18:37:01 Mga anak ng politiko, binabatikos dahil sa ipinapakitang marangyang pamumuhay

Manila - Umani ng matinding batikos mula sa publiko ang ilang anak ng mga kilalang pamilya sa politika matapos mag-viral ang kanilang mga posts na nagpapakita ng marangyang pamumuhay sa social media.


Pinaka-tampok sa usapin si Claudine Co, anak ng contractor na si Christopher Co at pamangkin ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co. Makikita sa kanyang mga posts ang paglalakbay gamit ang private jet, mamahaling branded na gamit, at mga bakasyon sa ibang bansa. Marami ang kumuwestiyon kung saan nanggagaling ang ganitong luho lalo’t nadadawit ang kanilang pamilya sa isyu ng umano’y anomalya sa flood control projects ng gobyerno, kung saan sinasabing may korapsyon.


Bukod dito, nabanggit din sa mga diskusyon online si Gela Alonte, anak ng pamilyang politiko sa Laguna. Bagama’t hindi tungkol sa karangyaan ang naging isyu, muli siyang nabatikos matapos kumalat ang isang lumang video kung saan binanggit niya ang pagiging bahagi ng isang political dynasty—na ikinainis ng netizens.


Para sa maraming netizens, masakit makita ang ganitong klase ng pamumuhay sa panahong marami ang nahihirapan. Giit nila, hindi lamang simpleng pagpapakita ng yaman ang isyu kundi ang posibilidad na ang pinagmulan nito ay may kinalaman sa pera ng bayan.


Gayunman, may ilan ding nagsasabing hindi kasalanan ng mga anak ng politiko kung galing sa sariling kita ang kanilang paggastos. Sa kabila nito, nananatiling mainit na usapin online ang lifestyle ng mga political families, lalo na kung nadadawit sa mga alegasyon ng katiwalian.