Teen pregnancy, tututukan sa bagong panukalang batas
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-29 09:13:32
MAYNILA — Muling isinusulong sa House of Representatives ang panukalang batas na naglalayong sugpuin ang tumataas na kaso ng adolescent pregnancy sa bansa, sa pamamagitan ng mas malawak na access sa reproductive health services para sa kabataan.
Inihain nina Kabataan Party-list Rep. Renee Co at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang House Bill No. 4115, o ang Adolescent Pregnancy Prevention Bill, kasabay ng screening ng isang award-winning na pelikula na tumatalakay sa parehong isyu. Ayon sa mga mambabatas, mahalaga ang agarang interbensyon ng pamahalaan upang mapigilan ang pagdami ng teenage pregnancies.
Nilalaman ng panukala ang pagbibigay ng mandatory access sa impormasyon at serbisyo ukol sa reproductive health, kabilang ang modernong, legal, ligtas, at epektibong family planning methods para sa mga kabataan. Ang mga serbisyong ito ay dapat isagawa ng mga lisensyado at bihasang health service providers, alinsunod sa prinsipyo ng non-discrimination, confidentiality, at mature minor doctrine.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kabataang 15 hanggang 18 taong gulang ay maaaring tumanggap ng reproductive health services kahit walang pahintulot ng magulang o guardian, habang ang mga mas bata sa 15 ay kailangan pa rin ng pahintulot maliban na lamang kung sila ay buntis, nakaranas ng sexual abuse, o aktibong nakikipagtalik.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Javi Benitez, “We have to look at it through a lens that is very data-driven and scientific. But more than that, kailangan din meron tayong empathy and sympathy sa mga babae na apektado dahil dito.” Ibinahagi rin niya na sa lungsod ng Victorias, may panahong umabot sa 189 kaso ng teenage pregnancy, kabilang ang mga batang edad 8 hanggang 14.
Dagdag pa ni Benitez, “We should not let religion be the sole factor in this conversation. Even in Spain, the country that colonized and brought Christianity to us, they already have laws that are more progressive than ours.”
Samantala, binigyang-diin ni Rep. Co ang epekto ng maagang pagbubuntis sa kabataan: “Pabata nang pabata ang mga nanay. Hindi na ito problema ng mga pamilya lang. Sakit na ito ng lipunan bunga ng laganap na abuso sa kababaihan at dapat may agarang aksyon ang gobyerno.”
Ang panukalang batas ay nakatakdang talakayin sa mga susunod na sesyon ng Kongreso, kasabay ng panawagan ng mga mambabatas at health advocates na bigyang prayoridad ang kalusugan at karapatan ng kabataang Pilipino.
