Unang araw ng kampanya sa BARMM, ligtas at walang insidente
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-29 03:40:28
Mindanao - Naging payapa at maayos ang pagsisimula ng campaign period para sa kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Huwebes, Agosto 28, 2025.
Ayon sa Police Regional Office–BARMM (PROBAR), walang naitalang election-related incidents sa unang araw ng pangangampanya. “Manageable” umano ang sitwasyon sa iba’t ibang lugar ng rehiyon, sa kabila ng matagal nang pangamba hinggil sa seguridad sa darating na halalan.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) laban sa mga ipinagbabawal na gawain, partikular na ang vote-buying. Mariing binigyang-diin ni Comelec Chairperson George Garcia na hindi sila magdadalawang-isip na i-disqualify ang mga kandidatong mapatutunayang sangkot sa iligal na aktibidad, at maaari rin silang harapin ang mga kasong kriminal.
Nagsimula ang campaign period noong Agosto 28 at tatagal ito hanggang Oktubre 11, bago ang itinakdang botohan sa Oktubre 13, 2025. Mahigpit ding ipinatutupad ang gun ban sa buong rehiyon mula Agosto 14 hanggang Oktubre 28 bilang bahagi ng mga hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad.
Ang halalan sa Oktubre ay itinuturing na makasaysayan dahil ito ang unang regular parliamentary elections sa BARMM mula nang maitatag ang rehiyon sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Larawan mula sa Minda News
