San Pablo City, Wagi sa Guinness World Record sa pinakamaraming sabayang pagtatanim ng niyog
Ipinost noong 2025-08-30 16:39:52
San Pablo City, Laguna — Gumawa ng kasaysayan ang lungsod ng San Pablo matapos masungkit ang Guinness World Record para sa pinakamaraming taong sabay-sabay na nagtanim ng niyog sa loob ng limang minuto.
Pinangunahan ni Mayor Nanjie Gapangada at ng buong Sangguniang Panlungsod ang makasaysayang aktibidad na nilahukan ng libo-libong volunteers na San Pableño mula sa labing isang barangay, paaralan, at ibat ibang sektor ng komunidad.
Ayon sa Guinness adjudicators na dumalo mismo sa lungsod, nalampasan ng San Pablo City ang dating rekord matapos maisagawa ang sabayang pagtatanim sa malawak na lupain na inilaan ng lokal na pamahalaan.
“Hindi lang ito tungkol sa world record, kundi isang pamana para sa mga susunod na henerasyon. Ang pagtatanim ng niyog ay simbolo ng ating pagkakaisa at malasakit sa kalikasan,” ani Mayor Gapangada sa kaniyang talumpati matapos iproklama ang tagumpay.
Ang nasabing programa ay nagpakita ng sama-samang pagkilos ng mga San Pableño para sa mas masaganang agrikultura at mas matibay na sektor ng niyugan sa hinaharap.
Maliban sa pagiging bagong Guinness World Record holder, inaasahan ding makakatulong ang proyekto sa pagpapalakas ng industriya ng niyog sa San Pablo, na kilala bilang “Coconut Capital of the Philippines.”
Naging makulay at makabuluhan ang selebrasyon matapos ipahayag ng Guinness officials ang opisyal na pagkilala, kung saan nagbunyi ang mga dumalo at ipinagmalaki ng mga San Pableño ang kanilang bagong titulo sa buong mundo.
larawan/spcfb
